Ipasa na ang HYBRID ELECTION SYSTEM PEOPLE'S VERSION

0 have signed. Let’s get to 2,500!


Isang mapagpalang araw po sa inyong lahat!

Ako po ay gumawa ng petition para manawagan ng suporta upang mapalitan ang sistema ng ating halalan mula sa kasalukuyang Automated Election System (RA9369) na palitan ng Hybrid Election System People’s Version at ganun din po sa pag-ban sa SMARTMATIC. Ipasa na po ang Hybrid Election System People’s Version ngayong taon 2020 para may time pa to prepare ang COMELEC at kailangan mahigpit na mabantayan sila na ipatupad lahat ng nasa batas para hindi magaya sa dati na di sinunod ng buong-buo ang RA9369, dapat matic na kaso at kulong kung di sila susunod.

Para po ito sa malinis, walang sekretong bilangan at mapagkakatiwalaang halalan na ikabubuti ng ating bayan at ito rin po ang magiging umpisa ng pagpasok ng mga totoong lingkod bayan.

Ito po ang ilan lamang sa mga napakaraming rason kung bakit kailangang palitan ang Automated Election System:

* Pagmamay-ari po ng dayuhang kumpanya ang SMARTMATIC, marapat lamang po na tayong mga Filipino lamang ang may karapatan na magpatakbo ng ating halalan.

* Bagsak po ang marka ng SMARTMATIC sa tinakda ng batas na dapat hindi bababa sa 99.995% accuracy rate dahil 97% sila. Wala po dapat nasasayang na boto kaya po dapat talaga 99.995% lang ang passing rate.

* Hindi po sinunod ng COMELEC-SMARTMATIC ang mga security features na nakalagay sa BATAS o RA9369 gaya ng mga sumusunod:
1. Source Code Review – binubusisi ito ng mga IT experts kung merong mga nakapasok sa program para dayain ang bilangan.
2. Digital Signatures – ito po yung pirma ng 3 board of election inspectors (BEI) upang patunayan na tama ang resultang nai-transmit.
3. Ultraviolet – ito yung isang paraan upang makita na hindi peke ang mga balota.
4. Voter Verified Paper Audit Trail (VVPAT) o resibo na di nagbigay noong 2010 – 2013 at kulang-kulang sa detalye naman na resibo noong 2016 at 2019.

"Mga kababayan kaya po ba di sinunod ang security features kasi dinaya at dinadaya nila ang halalan? Kung pwede nga sana mas dagdagan pa ang security features kaso ang ginawa ay hindi talaga pinatupad. Parang bahay na alam ng taungbayan na madaming pera sa loob pero walang bantay, walang pinto, walang gate, wala kahit anong harang at wala din kandado - nanakawin lang pera at ganun din sa halalan, dadayain / nanakawin ang mga boto kasi walang security."

* Mali-maling lumalabas na boto sa resibo o binoto pero wala sa resibo.
* 60-30-10 pattern, nadiskubre ito ng isang Math Professor noong 2013 na pattern sa pagkapanalo ng 60% kandidato ni Noynoy o LP, 30% kandidato ni Binay o UNA, at 10% sa independent candidates sa buong bansa na alam naman natin na imposibleng mangyari at mapaghihinalaang paraan ng dayaan na naka-program na sa mga makina.

* Mga makinang nadiskubre sa bahay ng SMARTMATIC technician na meron ng lamang mga boto, ito po ay napatunayan nila dating senadora Jamby Madrigal, Mr. Nick Perlas at JC Delos Reyes.

* Early transmission of results o yung tipong isang araw bago maghalalan ay meron ng nagpapadala ng resulta – ito po ay mismong isiniwalat ni Sen. Sotto at ganun din ang nadiskubre nila Atty. Glenn Chong.

* Yung meron pang botohan o pagpapadala ng resulta kahit tapos na ang halalan, ito ay binunyag mismo ni Atty. Glenn Chong.

* Digital lines – parang ito yung automated dagdag-bawas.

* Sira-sirang CF cards, makina, mahabang pila, mga botonte na di nakaboto dahil sa palpak na palakad ng halalan.

* Sinabi rin mismo ni Atty. Glenn Chong na inilalako ang mga posisyon ng COMELEC-SMARTMATIC at depende po ang presyo kung anong pwesto.

* Pinakasuhan ng DOJ ang mga Comelec IT experts Nelson Herrera, Frances Mae Gonzales, Rouie Penalba at Smartmatic head of technical support team Marlon Garcia at kasama rin sila Mauricio Herrera at Neil Baniqued dahil sa paglabag sa Cybercrime Act or Sections 4 (a)(1), 3 and 4 of Republic Act 10175.

* COME-LEAK, pinakakasuhan din ng DICT si dating COMELEC Chairman Andy Bautista dahil sa kapabayaan at na-hacked ang higit 50 milyon na data ng mga botante na maituturing na pinakamalaking DATA BREACH sa kasaysayan ng Pilipinas o maaring maging buong mundo.

* Yung isiniwalat ng asawa mismo ni dating COMELEC Chairman Andy Bautista ng tagong yaman niya na higit isang BILYON kasama na yung mga hinihinalang kumisyon sa SMARTMATIC at halos tatlong dosenang bank accounts.

* Mismong Pres. Duterte nagsabi na ibasura ang SMARTMATIC at huwag ng gamitin dahil sa di nabibilang ng tama ang mga boto at dayaan.

Marami pa pong nagawang kasalanan ang COMELEC-SMARTMATIC sa taungbayan at ito po ay makikita ninyo sa mga pahayag, reklamo, report ng mga sumusunod (Kasama din dito yung mga pagkaso ng ilan sa kanila sa COMELEC/SMARTMATIC):

Joint Congressional Oversight Committee (JCOC)
DICT, DOJ, COMELEC
AES WATCH / CENPEG
Atty. Glenn Chong
Prof. Alex Muga
Commissioner Belgica
Mata sa Balota
Arch. Oscar Cruz

at iba pang grupo o individual

MAIKSING PALIWANAG KUNG ANO ANG HYBRID ELECTION SYSTEM PEOPLE’S VERSION

Mula 100,000 na presinto ng kasalukuyang sistema magiging 400,000 na tayo sa Hybid Election. Ang bilang naman ng mga botante sa isang presinto ay babawasan mula 800-1000 magiging 200 na lamang bawat presinto, mawawala na halos ang pila at mas mabilis matapos ang botohan at bilangan. Sa ganitong sistema lahat ay maaring makaboto at hindi maiinip sa pila o malilito kakahanap ng pangalan dahil sa sobrang haba ng listahan at kung anu-ano pang dahilan.

A. Umpisa ng botohan - 6:00 hanggang 11:00 ng umaga
B. Lunchbreak - 30 minutes
C. Umpisa ng bilangan – 11:30am hanggang 3:00pm
D. Transmission ng resulta agad pagktapos ng bilangan

Ang pagboto po ay shading pa din sa oval na nasa tabi ng pangalan ng mga kandidatong napiling iboto. Naka-print na po ang mga pangalan ng kandidato upang madaling mabasa ng mga botante at madaling mabasa ang ating mga binoto ng mga BEI’s.

Wala ng makinang sekretong nagbibilang dahil dinadaya lamang tayo. Hindi na po madadaya ang ating halalan o kung pilitin mang dayain ay mahuhuli natin dahil nabantayan natin ito at meron tayong hawak na totoong resulta sa bawat presinto.

APELA

Kaya naman po magpasa na po sana at gawin na ang hearing sa Suffrage and Electoral Reform committee na pinamumunuan ni Cong. Juliet Marie De Leon Ferrer (Negros Occidental, 4th District) sa house of representatives, na WALA PA PONG ACTION. Sa senado kumilos na si Sen. Imee para sa pagpasa ng Hybrid Election System na panukala mismo ni Sen. Sotto.

President Duterte, please, sana po “CERTIFY AS URGENT” na ang Hybrid Election System People’s Version.

Umaasa po ako kasama na ang libu-libong nagsusulong ng HYBRID ELECTION SYSTEM PEOPLE’S VERSION na mas visible sa social media lalo na sa facebook at lahat ng pipirma dito sa petition sa agarang aksyon mula House of Representatives, Philippine Senate at President Duterte.

Ipapadala po ang resulta ng petition sa Pangulo, Philippine Congress at iba pang sangay ng gobyerno.