ISABATAS ang House Bill 223 (Filipino at Panitikan sa Kolehiyo)

ISABATAS ang House Bill 223 (Filipino at Panitikan sa Kolehiyo)
Why this petition matters

PAMBANSANG PETISYON NG MGA MAMAMAYAN NG PILIPINAS, NA HUMIHILING SA TANGGAPAN NG PANGULO NG REPUBLIKA NG PILIPINAS, KONGRESO, AT SENADO NA SUPORTAHAN AT PABILISIN ANG PAGSASABATAS NG PANUKALANG BATAS BILANG 223 NA INIHAIN SA IKA-18 KONGRESO
SAPAGKAT, inihain ng ACT Teachers Partylist, Bayan Muna Partylist, Gabriela Women’s Party, at Kabataan Partylist noong Hulyo 1, 2019 sa ika-18 Kongreso ang Panukalang Batas Bilang 223 o "BATAS NA NAGTATAKDA NG HINDI BABABA SA SIYAM (9) NA YUNIT NG ASIGNATURANG FILIPINO AT TATLONG (3) YUNIT NG ASIGNATURANG PANITIKAN SA KURIKULUM NG KOLEHIYO" bilang suporta at tugon sa adbokasi ng Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (TANGGOL WIKA);
SAPAGKAT, sa konteksto ng mga desisyon ng Korte Suprema na inilabas noong Oktubre 2018 at Mayo 2019 hinggil sa mga kasong kaugnay ng K to 12 at CHED Memorandum Order No. 20, Series of 2013, ang mga probisyong pangwika sa Konstitusyong 1987 ay nangangailangan ng karampatang pagsasabatas upang maging ganap ang pagsasakatuparan;
SAPAGKAT, sa Senado ay wala pang counterpart ang Panukalang Batas 223, bagamat nagpahayag ng pagsuporta sa mga gayong inisyatiba ang marami-raming senador gaya nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III; Sen. Win Gatchalian; Sen. Panfilo Lacson; Sen. Koko Pimentel; Sen. Kiko Pangilinan; Sen. Risa Hontiveros; at Sen. Joel Villanueva, batay sa kanilang mga nakaraang pahayag sa publiko;
SAPAGKAT, ang dalawang pangunahing ahensyang pangwika at pangkultura ng Pilipinas – ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) – ay kapwa sumusuporta rin sa mga gayong inisyatiba;
SAPAGKAT, ang pagkakaroon ng mandatoring asignaturang Filipino sa kolehiyo ay isang paraan din ng pagsunod sa mga pamantayang global sa edukasyon, sapagkat marami-raming unibersidad sa Timog-Silangang Asya, sa Amerika, at sa Europa ang nagtuturo rin ng mga wikang sarili bilang mga asignatura;
SAPAGKAT, ang pagsasabatas ng Panukalang Batas 223 ay isang malaking hakbang sa proseso ng patuloy na dekolonisasyon at pagpapalaya ng ating bansa mula sa imperyalismong pangkultura, pampolitika at pang-ekonomya, dahil ang matatag na wikang pambansa (na isa sa layunin ng pagtuturo nito sa mga unibersidad) ay makapagpapataas sa antas ng kasanayan ng ating mga mamamayan na mag-usap-usap, bumuo ng konsensus, at magbalangkas at magpatupad ng mga plano para sa pambansang kaunlaran;
KAYA’T, sa diwa ng mga nabanggit na, buong-pitagan naming hinihiling sa Tanggapan ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas, Kongreso, at Senado na suportahan at pabilisin ang pagsasabatas ng Panukalang Batas Bilang 223 o "BATAS NA NAGTATAKDA NG HINDI BABABA SA SIYAM (9) NA YUNIT NG ASIGNATURANG FILIPINO AT TATLONG (3) YUNIT NG ASIGNATURANG PANITIKAN SA KURIKULUM NG KOLEHIYO" na inihain sa ika-18 Kongreso.
PARTIKULAR naming hinihiling ang mga sumusunod na hakbang kaugnay nito:
*Sa Tanggapan ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas: SERTIPIKASYON NG PANUKALANG BATAS BLG. 223 BILANG “URGENT” NA LEHISLASYON
*Sa Kongreso: MABILIS NA PAGSASABATAS NG PANUKALANG BATAS BLG. 223 BILANG “URGENT” NA LEHISLASYON
*Sa Senado: AGARANG PAGHAHAIN NG COUNTERPART NG PANUKALANG BATAS BLG. 223 SA MATAAS NA KAPULUNGAN, TUNGO SA MABILIS NA PAGSASABATAS NG NASABING LEHISLASYON
Bilang pagpapatibay sa petisyong ito ay inilalagda namin ang aming mga pangalan.