PAKINGGAN NIYO KAMI: SANDOSENANG PANAWAGAN PARA SA KABUHAYAN, KALUSUGAN, AT KARAPATAN!

PAKINGGAN NIYO KAMI: SANDOSENANG PANAWAGAN PARA SA KABUHAYAN, KALUSUGAN, AT KARAPATAN!

PAKINGGAN NYO KAMI: PAHAYAG NG PAGKAKAISA AT SUPORTA SA SANDOSENANG PANAWAGAN NG MASA PARA SA KABUHAYAN, KALUSUGAN at KARAPATAN TUNGO SA MAAYOS NA TUGON SA PANDEMYA.
Higit isang taon nang nasa ilalim ng krisis pangkalusugan ang bansa dulot ng pandemyang COVID-19 at nag-anak pa ito ng walang kapantay na krisis pang-ekonomya. Milyon-milyong Pilipino ang apektado—mga nawalan ng trabaho, nagkakasakit, at lalong naghihirap. Sa kabila ng kalunos-lunos na kalagayan ng mamamayan, puro lockdown ang sagot ng gobyerno habang walang maayos na plano sa kalusugan at kabuhayan ng mamamayan. Mapaniil din ang lockdown na ipinatutupad at ilang daang libong masa ang pinagmulta, ikinulong at ang iba pa nga ay namatay. Sukdulang ipagbawal din ang pagtutulungan ng mamamayan at kailangan daw ay awtorisado ng gobyerno.
Sa pagdedeklara ng ikatlong ECQ ngayong Agosto 2021, walang pagbabago sa pagpapatupad ng gobyerno. Lubos na naghihirap, nagugutom at nagkakasakit na ang masa, pero nanatiling kapos ang plano para sa kalusugan, kabuhayan at karapatan.
Kaya naman, kaming mga magulang, kabataan, manggagawa, magsasaka, drayber, relief worker, community pantry organizer, guro, doktor, negosyante, taong simbahan, administrador, opisyal ng gobyerno, at ordinaryong Pilipino ay nagkakaisa na ihapag ang SANDOSENANG PANAWAGAN NG MASA PARA SA KABUHAYAN, KALUSUGAN AT KARAPATAN.
KABUHAYAN
1. P5,000 ayuda para sa lahat ng apektado ng 2-linggong ECQ gaya ng mga manggagawa, mahihirap na pamilya, tsuper, manininda, magsasaka, atbp. Dapat magbigay ng sapat na ayuda sa panahon na palawigin pa ang lockdown.
2. Magpatupad ng price freeze sa batayang pangangailangan gaya ng pagkain, langis, atbp sa panahon ng pandemya. Pagpapaliban ng singil sa renta at batayang serbisyo gaya ng kuryente, tubig, atbp.
3. Magpatupad ng moratorium sa lahat ng planong demolisyon at eviction ngayong panahon ng pandemya. Tiyakin ang libreng paninirahan ng mga walang tirahan (homeless, street dwellers) habang may pandemya.
4. Libreng sakay sa mga essential at healthcare workers.
5. Isabatas ang Paid Pandemic Leave para sa mga manggagawa. Sapat na kompensasyon para sa mga manggagawang apektado ng COVID. Tiyakin ang benepisyo sa lahat sa ilalim ng Employees Compensation Program.
6. Suportahan at bigyang ayuda ang mga maliliit na negosyo (MSMEs) at mga magsasaka para tiyakin ang trabaho at kabuhayan.
7. Tiyakin ang ayuda para sa mga estudyante at guro sa porma ng financial aid, gadgets, internet allowance, atbp. Iprayoratisa ang pagpapabakuna ng mga estudyante, guro, non-teaching staff na isa sa mga hakbang tungo sa ligtas na balik eskwela.
KALUSUGAN
8. Libre at malawakang testing. Libreng pagpapagamot sa mga maysakit.
9. Agaran at agresibong contact tracing. Pondohan at itaas ang kapasidad para sa genomic surveillance ng COVID variants.
10. Tiyakin ang sapat na supply ng libre, ligtas at mabisang bakuna para sa lahat. Dapat palawakin at pabilisin ang pagpapabakuna sa buong bansa, laluna sa mga itinuturing na transmission hotspots.
KARAPATAN
11. Pagkilala sa demokratikong karapatan ng mamamayan. Ibasura ang mabibigat na multa at mararahas na parusa sa mga lumalabag sa quarantine protocols. Hindi dapat maging sapilitan ang pagpapabakuna o maging kondisyon sa pagtatrabaho at paggalaw ng mamamayan sa gitna ng pandemya.
12. Ituloy-tuloy at suportahan ang mga relief efforts at humanitarian initiatives bilang dagdag tulong kasabay ng ayuda atbp serbisyo ng gubyerno. Hindi dapat pigilan ang pagtulong at pagkakawanggawa ng mamamayan.
Responsibilidad ng gobyerno na ibigay ang lahat ng tulong at ituon lahat ng pondo ng bayan para sa pagbangon ng mamamayan sa gitna ng pandemya.
Nananawagan kami sa gobyerno na pakinggan ang mamamayan. Higit isang taon na tayo sa ilalim ng pandemya at lalong naghirap ang mamamayan at ang bansa. Ngayon higit kailanman, KAMI NAMAN ANG INYONG PAKINGGAN.
#AyudangSapat
#BakunaNgayonNa
#MassTestingNow
#UpholdHumanRights