Michael Charleston ChuaLungsod Quezon, Philippines
Dec 28, 2014
At ukol sa medyo makulit na argumento ng iba na "HINDI MAAARING MAGING UNANG PANGULO NG PILIPINAS SI BONIFACIO SAPAGKAT SIYA AY PANGULO LAMANG NG KATAGALUGAN." Ang susunod na pagtalakay ay mula sa bagong aklat na "Bonifacio: Ang Unang Pangulo, Backstories to the Movie for Students and Teachers" nina Dr. Milagros Guerrero at Michael Charleston "Xiao" Chua at inilathala ng Anvil Publishing, Inc. na mabibili na sa National Bookstore. Ang bahaging ito ay mula sa sanaysay na "Bonifacio: Ang Unang Pangulo" ni Xiao Chua na matataguan sa mga pahinang 35-36: Nang sinabi ni Andres Bonifacio na siya ang Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan, makikita ang kanyang intensyon sa mga kasulatan ng Katipunan. Ano nga ba ang layunin ng Katipunan ayon sa Kartilya ng Katipunan na siyang sinulat ni Emilio Jacinto? "Ang kabagayang pinag-uusig ng katipunang ito ay lubos na dakila at mahalaga; papagisahin ang loob at kaisipan ng lahat ng tagalog* sa pamagitan ng isang mahigpit na panunumpa, upang sa pagkakaisang ito’y magkalakas na iwasak ang masinsing tabing na nakabubulag sa kaisipan at matuklasan ang tunay na landas ng Katuiran at Kaliwanagan." Layunin ng Katipunan na pagkaisahin ang mga Tagalog. Ngunit paano ang mga taong nasa ibang bahagi ng Pilipinas? Kung titignang mabuti, may asterisk ang salitsng “tagalog” na may katumbas namang footnote ng dokumento: "*Sa salitang tagalog katutura’y ang lahat nang tumubo sa Sangkapuluang ito; samakatuwid, bisayà man, iloko man, kapangpangan man, etc., ay tagalog din." (Isinalin mula sa Ingles para sa aklat ni John Ray Ramos) xxx SAMAKATUWID, MGA KAIBIGAN, ANG KATAGALUGAN SA GAMIT NI BONIFACIO AY ANG BUONG PILIPINAS. Dahil tayong lahat ay may kulturang maritima--tayo ay mga taga-ilog. Hindi niya madalas gamitin ang pangalang PILIPINAS o FILIPINAS dahil pangalan ito na ibinigay ng Espanya. E bakit limitado ang nasasakupan nila? E kasi nga po rebolusyon. Tulad din ng Malolos Republic na pamahalaang mapanghimagsik, limitado rin ang nasasakupan ngunit kinikilala na pamahalaan. Salamat sa inyong panahon.
Copy link
WhatsApp
Facebook
Nextdoor
Email
X