23 Jul 2015
June 21, 2015 Written by Erwin TulfoPublished in Opinion TIYAK na naging masaya ang pagdiriwang kahapon ng Father’s Day kabilang na ang mga pamilya na pumasyal sa Rizal Park sa kabila ng manaka-nakang pag-ulan. Ngunit naunsiyami ang pakikipag-bonding ni dad kay misis at kanilang mga tsikiting kasi nasira ang kanilang pagsi-selfie sa Rizal Monument dahil sa nakasagabal na tanawin ng Torre de Manila sa likuran nito. Talaga namang “photo bomb” ang pagkataas-taas na konstruksiyon na umabot na sa 41 storeys na isinagawa sa kabila ng cease and desist order ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA). Ilan pang mga grupo ang nagreklamo sa umpisa pa lang ng multi-billion-peso project ng higanteng developer na DMCI Homes Inc. na pinamumunuan ni David M. Consunji. Ang Knights of Rizal ay nakakuha ng temporary restraining order (TRO) mula sa Supreme Court at napatigil ang paggawa sa Torre de Manila na planong paabutin sa 46 floors. Totoo naman ang anila’y “influence peddling” na ginawa ng DMCI para mabalewala ang lahat ng mga pagtutol sa naturang konstruksiyon. Ito palang Torre de Manila ay unang binigyan ng permisong maitayo hanggang pitong palapag lamang noong administrasyon ni dating-Manila Mayor Alfredo Lim. Ngunit sa kabila ng pagtutol ng NCCA at ibang organisasyon sa sining at kasaysayan, hinayaan ng balasubas na city engineer ni Lim ang pagtataas ng istraktura. Kinakatigan ko ang paninindigan ng Knights of Rizal at NCCA na ’di lamang kasiraan sa tanawin ng bantayog ni Dr. Jose Rizal kundi kalapastangnan itong Torre sa alaala ng pambansang bayani. Ayon sa petisyon na inilagak sa Korte Suprema, nilabag ng DMCI ang Republic Act 4846 (Cultural Properties Preservation and Protection Act) at RA 10066 (National Cultural Heritage Act of 2009 or Act Providing for the Protection and Conservation of the National Cultural Heritage). Ipinalagay ding isang “nuisance” ang itinatayong condo building ayon sa Art. 694 ng Civil Code of the Philippines, na nagsasabing “a nuisance is any act, omission, establishment, condition of property or anything else which annoys or offends the senses; or shocks, defies or disregards decency or morality.” Nilabag din ng DMCI ang procedure na sinasaad ng Manila City Ordinance 8119, ang Zoning Ordinance of Manila, ukol sa zoning at building permits. Nagmukha tuloy mga dwende ang mga eskuwelahan sa “institutional university cluster” sa naturang lugar kabilang na ang Philippine Normal College, Santa Isabel College, Technological University of the Philippines, Adamson University, Unibersidad de Manila at Araullo High School. Nakakadismaya at mistulang mga batang nagbabangayan itong sina Lim at Mayor Joseph “Erap” Estrada sa kanilang pagtuturuan sa pangungunsinti sa DMCI. Malinaw naman na may iregularidad noong termino ni Lim at ngayong administrasyon ni Erap dahil garapal ang pagsuway nitong DMCI sa mga batas at panuntunan na nakakaapekto sa pangangalaga sa National Monument at National Park. Isang kuwestiyon pa ay kung bakit tila walang imik ang Malakanyang sa isyung ito at hindi man lang panindigan ang posisyon ng NCCA, isang ahensiya sa ilalim ng Office of the President. Bukod sa layuning pagtatayo ng bantayog ni Rizal na isinabatas ng United States Philippine Commission noong Sept. 28, 1901, ang Commonwealth Act No. 243, inaprubahan ni Governor-General William Taft noong 1902 ang pagtatayo ng national government center “sa kapaligiran ng Rizal Park.” Ang Burnham’s vision ay hango sa konsepto ng Washington Capitol and National Park sa District of Colombia kung saan walang istraktura ang pinapayagang maitayo nang hihigit sa taas ng Washington Monument. Hindi natin sinasabi na ’di dapat maging kasintaas lamang ng monumento ni Rizal ang Torre de Manila kundi ito’y nasa maling lugar lamang at labag sa batas ang konstruksiyon nito. Mula noong magtalaga sa Rizal Monument ng honor guards mula sa Philippine Marine Corps’ sa kahilingan ng yumaong journalist at Rizal Park czar Teodoro Valencia, naging atraksiyon ang kahusayan ng mga sundalong ito sa rifle drill exhibition. Sayang at wala namang magawa ang matitikas na honor guards na ito sa kalapastangan na ginagawa ng DMCI sa sagradong National Monument sa ating National Park. Kung bakit sa isyu ng Valenzuela Kentex building permit ay umepal itong si Pangulong Noynoy at DILG Sec. Mar Roxas samantalang sa paglapastangan ng DMCI sa ating alaala ng pambansang bayani ay urong ang lawit ng mga bading na ito. Mga inutil! * * * (etulfo2011@yahoo.com) http://www.journal.com.ph/editorial/opinion/torre-ng-dmci-iligal-at-kalapastanganan
Copy link
WhatsApp
Facebook
Nextdoor
Email
X