PRESYO NG KOPRAS AT BUONG NIYOG, ITAAS! Resikada & iba pang di mkatwirang kaltas, IBASURA!

0 have signed. Let’s get to 100!


May Pananagutan sa Maglulukad ang Pamahalaan at Ahensyang Lokal ng Quezon sa Patuloy na Pagbagsak ng Presyo ng Kopra

Ngayong buwan ng Hulyo, 2018, kumikita na lamang ng apat hanggang pitong piso (P4.00 - P7.00) kada araw ang isang pamilya ng magsasaka sa niyugan sa kasalukuyang presyo ng kopra/lukad na P17-21.00/kilo. Higit na mababa ito sa mga magsasakang ibinebenta nang buo ang kanilang niyog na may halaga lamang ngayon na P4/buo.

Ang ganitong presyuhan ay hindi sasapat sa pang araw-araw na gastos na P500-P700 ng isang tipikal na pamilyang magsasaka na may anim na miyembro. Ayon sa pananaliksik ng Ibon Foundation, nasa P1,171 ang kailangan ng isang pamilyang may lima hanggang anim na miyembro para mabuhay nang maayos at hindi lamang makaraos.

Sapat dapat na batayan ang kalagayang ito para maalarma ang pamahalaan at ahensyang lokal sa probinsya dahil nagpapakita na ito ng manipestasyon ng taggutom at pagbagsak ng industriya ng niyog sa lalawigan kung saan 243-libong pamilya pa ang kasalukuyang umaasa sa niyugan.

Kung ganito, kailangang mabilis na umaksyon ang mga lokal na pamahalaan at ahensya sa pamamagitan ng pagdedeklara ng state of calamity nang sa gayon ay magamit ang mga pondo para sa kalamidad at ilaan ito sa mga pamilyang maglulukad na nahaharap sa napipintong taggutom sa susunod pang apat na buwan.

Sa panimulang pag-aaral ng aming samahan, tatagal pa hanggang buwan ng Oktubre ang mababang presyo ng lukad, posible pang bumulusok ito ng mas mababa sa Php15/kilo.

Hanggang kasalukuyan, walang konkretong dahilan na maibigay ang Philippine Coconut Authority sa nagaganap na pagbagsak ng presyo ng lukad at buo. Pilit na ipinatatanggap ng PCA at iba pang ahensya ng gubyerno gaya ng Department of Agriculture na ang dahilan ay ang paglakas ng pandaigdigang kompetisyon sa pagkukunan ng vegetable oil kagaya ng mura at maramihang suplay ng langis mula sa palm oil at iba pang murang vegetable oil. Sinasabi rin nilang may sobra-sobrang suplay ng kopra.

Para sa aming samahan, malinaw na ang tunay na dahilan ay ang pagkakatali ng presyo ng langis ng niyog sa pandaigdigang pamilihan na ang may monopolyong kontrol ay ang mga dambuhalang korporasyon sa Estados Unidos at mga bansa sa Europa – sila ang tunay na nagtatakda ng presyo dahil sa kanila kahuli-hulihang dinadala ang produkto ng langis ng niyog mula sa kopra ng Pilipinas. Sila rin ang may kontrol sa libo pang mga vegetable oils kung saan isa lamang ang coconut oil sa pinagpipilian nila.

Gayunpaman, nananatiling malaki ang gamit ng coconut oil ng Pilipinas partikular sa Estados Unidos na umaangakat mula sa ating bansa para sa kanilang gamit-industriyal. Pero dahil kontrolado ng US ang pandaigdigang pamilihan, nagagawa nito na mapunta lahat sa kanya ang ganansya sa pamilihan ng vegetable oils na sadyang napakalaki ng pinagkakakitaan.

Higit na magpapatunay ito na walang dahilan para ibagsak ang presyo ng kopra at ng langis ng niyog mula sa Pilipinas. Tanging ang ganid sa tubo na mga monopolyo kapitalista, kasabwat ang mga lokal na burgesya kumprador sa oil mill at mga panginoong maylupa-komprada ang tunay na dahilan ng pagbagsak ng presyo ng kopra.

Sa kasalukuyan ay naglalaro ang presyo ng kopra sa Region IV-A ng mahigit-kumulang P29/kilo (millgate) batay ito sa Philippine Coconut Authority Daily Market Price (Mayo 2018). Sa South Quezon–Bondoc Peninsula ang presyo ng kopra kada kilo ay P17-21 lamang. Habang ang presyo ng buo ay P4-4.20. Lubhang mababa ito kumpara sa dating mga presyo na umaabot sa P12 noong maagang bahagi ng 2017, habang ang lukad naman ay umabot sa P38-40/kilo.

Malinaw na karaniwang price taker at sunud-sunuran lamang ang mga magniniyog sa kasalukuyang sistema ng pagdidikta sa presyo ng pandaigdigang merkado habang ang mga panginoong maylupa, mga lokal na mamimili, komprada at oil mills ay siyang tumatamasa ng higit na mataas na presyo ng produkto naming maglulukad.

 

Mahigit isang taon na naming tinitiis ang ganitong kalagayan. Hindi pa nga kami halos nakakabangon dahil sa magkakasunod na bagyo mula noong July 2014 ay lalo pang pinadadapa ang kabuhayan naming magsasaka sanhi ng gawang-taong kalamidad. At dahil walang malinaw na programa sa pagpapaunlad ng industriya ng niyog ang kasalukuyang pamahalaan, ang naiiwang pumapasan ng kasaluyang krisis ay ang karaniwang maglulukad.

Naninindigan kaming mga magsasaka at manggagawang bukid sa niyugan na may tungkulin ang pamahalaan para iahon kami sa kasalukuyang kalagayan. Para maisagawa ito, kailangang magkaroon ng kongkretong hakbang para maibalik sa makatwirang presyo ang lukad at buo.

 

SAMAKATUWID, bunsod ng mga nabanggit sa itaas, inihahanay naming mga magsasaka sa niyugan na nabubuklod sa ilalim ng Kaisahan ng mga Magsasaka sa Koprahan ang sumusunod na mga kahilingan:

 

1.      Magdeklara ang mga Sangguniang Bayan ng state of calamity at kagyat na gamitin ang pondo para sa kalamidad ng lokal na pamahalaan para sa pagbibigay ng immediate relief sa mga magsasaka sa niyugan at subsidyo para sa recovery and rehabilitation ng mga niyugan sa susunod na apat na buwan (Hulyo-Oktubre 2018).

2.      Iregularisa ang presyo ng lukad/kopra at itaas ito sa P50/kilo at/o igaya sa presyong Lucena na may makatwirang diprensya para sa trucking.

3.      Ang presyo ng buo ay itaas sa P12.

4.      Pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang bukid mula sa minimum na P300 kada isang libong upa sa kawit, tapas, ipon at iba pang uri ng paggawang agrikultural sa niyugan, tungong  P500 o higit pa batay sa kilometro (layo), at taas ng puno ng niyog.

5.      Isakatuparan ang partihang 75-25 pabor sa magsasaka matapos bawasin ang lahat ng gastos.

6.      Tanggalin ang sistema ng resikada at iba pang hindi makatarungang pagbabawas sa halaga ng kopra tulad ng tara, taktak at sako.

7.      Balikan at muling ipatupad ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at ng Philippine Coconut Authority na nagsasabing tanggalin ang sistema ng resikada at iba pang hindi makatarungang pagbabawas sa halaga ng kopra tulad ng tara, taktak at sako.

 

8.      Pawiin ang labis na kaltas sa trucking,  o pababain ito ng 50% ibinabawas sa trucking  at hauling.

9.      Paglalabas ng kautusan/ordinansa ng bawat Sangguniang Barangay at Sangguniang Bayan kasama ng iba’t ibang  lokal na ahensya na ipaskil sa mga bodega at pampublikong lugar ang kasalukuhang presyong-Lucena at ang lahat ng gagamiting timbangan ay rehistrado sa PCA at/o nainspeksyon ng lokal na pamahalaan at/o otorisadong samahang magsasaka.

10.  Pagsuporta sa pagsasabatas ng HB 557 o Genuine Small Coconut Farmers Fund Bill ng Anakpawis Partylist, at paggigiit sa pagpapatupad ng pangako ng Administrasyong Duterte na pamamahagi ng coco levy funds sa mga lehitimong magniniyog.

11.  Paglalaan ng espasyo para magsilbing Training Center o Coconut Farmers Academy ng aming organisasyon para lunsaran ng mga pag-aaral at mga pagsasanay (katulad Coconut Production Management at iba pang anyo ng skills training) para sa pagpapaunlad ng kaalaman at kakayahan ng mga magniniyog sa probinsya.

Para ipakita ang aming lubos na pagsuporta sa naturang posisyon at petisyon, aming inilalagay ang aming pangalan at pirma:



Today: Piglas is counting on you

Piglas Quezon needs your help with “Philippine Government: PRESYO NG KOPRAS AT BUONG NIYOG, ITAAS! Resikada & iba pang di mkatwirang kaltas, IBASURA!”. Join Piglas and 58 supporters today.