Pangulong Duterte, 'Wag Kaming Balewalain: Academic Freeze, IDEKLARA!

Petition Closed

This petition had 11,915 supporters

The Issue

Apat na buhay na ang nawala, dulot ng hirap ng online classes. Apat na pangarap na ang inutang nang mapanupil at walang konsiderasyong muling pagbubukas ng eskwela. Ilang bukas pa ba ang papatayin ng hirap at kagipitan dahil sa di makatarungang desisyong ito ng pamahalaan? Ilang buhay pa ang kailangang mawala?

Hinahamon naming mga estudyante, guro, at mamamayang Pilipino na ideklara na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang “Academic Freeze” hanggang Enero. Ilabas niya ang Executive Order para dito! Isama ang mga sumusunod na polisiya:

  1. Ang pagtupad ng libre at malawakang mass testing, contact tracing, at iba pang mga patakarang pangkalusugan upang makontrol ang paglaganap ng COVID-19.
  2. Tuloy-tuloy na sahod at ayuda para sa lahat ng mga guro at empleyado ng mga pampubliko at pribadong paaralan. Ibasura ang no-work-no-pay scheme!
  3. Ang pagbawas ng matrikula at iba pang bayarin, ang pagbabawal sa lahat ng requests upang pataasin ito, at ang pagpapatupad ng refund sa mga hindi nagamit na bayarin sa eskwela, sa nakaraang semestre.
  4. Ang paglagay ng maayos na mga sistema at imprastraktura upang masiguro ang pisikal at mental na kalusugan ng lahat ng mga estudyante at mga guro.
  5. Ang paglaan ng nararapat at tuluy-tuloy na pondo ng gobyerno para sa mga internet at gadget subsidies ng mga estudyante at guro.

Lampas anim na buwan na tayong nasa lockdown pero patuloy pa ring lumalala ang ating kalagayan. Hanggang ngayon, wala pa ring mahusay na pagresponde ang nanggagaling sa gobyerno. Ang kawalan ng kaukulang aksyon at hindi mabisang responde sa pandemya ng gobyerno ay naging dahilan upang mapinsala pati ang pag-aaral ng mga estudyante.

Matatandaan na maagang binuksan ang mga klase noon pa mang Hunyo. Ngunit hindi ito naging epektibo. Lalo lamang bumigat ang dala-dalang problema ng mga mag-aaral, magulang, at guro. Sa ikalima ng Oktubre muli uling bubuksan ang klase, handa na nga ba talaga tayo?

Ang nangyayari ngayon sa bansa, at ang epekto nito sa sektor ng ating edukasyon, ay ang malinaw na ebidensiyang nagpapakita na hindi pa tayo handa upang ipagpatuloy ang Academic Year. Marami ang kulang at walang access sa teknolohiya, sinabayan pa ng mabagal na internet at pawala-walang kuryente sa iba't ibang lugar. Patunay lamang ito na dapat itigil na ang online classes. 

Hindi lamang mga estudyante, kundi pati ang mga guro ay nakakaranas ng kakulangan at teknikal na mga isyu. Mas masaklap, tuluy-tuloy pa rin ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19. Ang idinulot na takot at pangamba, ay malaki rin ang naging epekto, sa mental na kalusugan ng marami. 

Karagdagan pa, ang patuloy na pagtaas ng tuition and other school fees, o ang tinatawag na TOFIs, ay lalo lamang nagpapahirap sa magulang at estudyante na nagtutustos na ng pera para lamang mamuhay sa gitna ng pandemya.

Kaugnay nito, ang pagdedeklara ng isang Academic Freeze hanggang Enero ang natatanging paraan upang mabawasan ang pagkabalisa ng milyon-milyong estudyante, guro, manggagawa’t magulang. Hindi na dapat dumagdag pa sa bigat na pinapansan ng mga guro at estudyante ang problemang dala ng akademya.

Sa napakalubhang paghihirap na nararanasan na sa pang-araw-araw na buhay sa ilalim ng pandemyang ito, lalo pa itong lalala sa paglipas ng panahon kung di agad masosolusyunan. Tanging panandaliang paghinto sa klase ang reresolba dito.

Bukod pa, mabibigyang panahon rin ang mga tanggapan, lalo na ang sektor ng edukasyon, upang makagawa ng mas makatarungan at makataong polisiya para sa pagbukas muli ng klase sa Enero.

Basahin ang aming buong papel ukol sa kawastuhan ng isang Academic Freeze hanggang Enero rito:
https://bit.ly/SPARKAcademicFreezeTagalogFAQs

ACADEMIC FREEZE HANGGANG ENERO, IDEKLARA!
NO MASS TESTING, NO CLASSES!
TULOY TULOY NA SAHOD PARA SA MGA GURO AT EMPLEYADO, IPAGLABAN!
AYUDA PARA SA LAHAT, IBIGAY!
IPAGLABAN ANG ISANG BETTER NORMAL PARA SA EDUKASYON!

avatar of the starter
SPARK - Samahan ng Progresibong KabataanPetition StarterSPARK shall unite the youth to realize its integral role in shaping history by linking it to the struggle of the marginalized sectors of society.

The Decision Makers

President Rodrigo Roa Duterte
President Rodrigo Roa Duterte
Office of the President - Republic of the Philippines
Chairperson Prospero E. de Vera III
Chairperson Prospero E. de Vera III
Commission on Higher Education - Republic of the Philippines
Secretary Leonor Mirasol Magtolis-Briones
Secretary Leonor Mirasol Magtolis-Briones
Department of Education - Republic of the Philippines

Petition Updates