PETITION TO STOP IMPLEMENTATION OF LTFRB MC 2018-003, & TO MAINTAIN CURRENT NUMBER OF TNVS

0 have signed. Let’s get to 35,000!


Kami po ay mga drivers at operators ng Transport Network Vehicle Service (TNVS). Hinihiling po namin na ihinto ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang implementasyon ng Memorandum Circular 2018-003 na nagtatalaga ng cap sa bilang ng mga TNVS. Hinihiling namin na panatilihin sa pag-operate ang mga TNVS na nasa platform na ng mga Transport Network Companies (TNC).

Sinasabi po ng LTFRB sa kanilang memorandum circular na nililimitahan nila ang numero ng mga TNVS na tumatakbo sa kalsada ng mga pangunahing lungsod ng bansa: 45,000 sa Metro Manila, 500 sa Cebu, at 200 sa Pampanga.

Kasama po kami sa pagpupulong sa Senado kung saan sinabi ng mga TNC na Grab at Uber ang kasalukuyang numero ng mga TNVS. Ayon sa Grab, mayroon silang 54,000 na partners. Sinabi naman ng Uber na mayroon silang 66,000 na peers. Base rin sa report ng mga TNC, sa kabila ng numerong ito ng TNVS, 50%-70% lamang ng bookings ng mga pasahero ang nabibigyan ng actual rides.

Malayong malayo po ang numero ng TNVS na binanggit ng mga TNC sa cap na itinalaga ng LTFRB. Wala pa po ang bilang na ito sa kalahati. Hindi na po kailangan ng malalim na pag-aaral o explanasyon para malaman na hindi ito sapat para sa kasalukuyan at lumalaki pang demand ng aming mga pasahero. Maliban sa cap, tatanggalin pa ang mga hatchback na karaniwang ginagamit para gawing TNVS.

Pinagbayad na po ng LTFRB ng tig limang milyong piso ang Grab at Uber bilang danyos sa pagtanggap ng aplikasyon ng libo-libong mga TNVS.  Karamihan sa amin ay naniniwalang napagbayaran na ng dalawang TNC ang kanilang pagkakamali. Sa aming palagay, ang nakaraan ay nakaraan na ngunit patuloy na nagsisilbing aral para sa lahat.

Pagkatapos nito, nangako ang LTFRB, sa pamamagitan ng binuo nilang Technical Working Group (TWG) ay maaayos na ang sistema at regulasyon para sa mga TNVS at mga pasaherong tumatangkilik sa amin.

Masaya po kami nuong una dahil bukas naman po kami sa pagkakataong kami ay ma-regulate upang maging legal ang operasyon ng karamihan sa amin na hanggang ngayon ay hindi pa nabibigyan ng Certificate of Public Convenience (CPC) at Provisional Authority (PA). Pero sa takbo ng mga pangyayari, hindi namin mapigilang magtanong: Bakit imbes na mapabuti ay tila napapasama pa at nalalagay sa peligro ang aming kabuhayan?

Sa aming mga mambabatas, sa mga kinatawan namin sa Kongreso at Senado, hinihiling po namin sa inyo na tunay nyong katawanin ang aming mga saloobin.

Senate President Aquilino “Koko” Pimentel, Senator Grace Poe, Senator Edgardo “Sonny” Angara, Senator Joseph Victor “JV” Ejercito, Senator Cynthia Villar, at Senator Joel Villanueva, lahat po kami ay nais lamang magtrabaho ng marangal para mabigyan namin ng disenteng pamumuhay ang aming mga pamilya.

Speaker Pantaleon Alvarez, House Tranport Committee Chairman Cesar Sarmiento, Deputy Speaker Pia Cayetano, House Committee on Metro Manila Development Chairman Winston “Winnie” Castelo, Ako Bicol Party List Rep. Rodel Batocabe, Kabayan Party List Rep. Ciriaco Calalang, at Aangat Tayo Party List Rep. Harlin Neil Abayon III, hiling po namin na magkaroon ng mga bagong batas para mabigyan kami ng pagkakataon na paunlarin ang aming mga kabuhayan at hindi maging pabigat sa pamahalaan.  

Dahil po sa cap na itinalaga ng LTFRB, hindi namin maiwasan isipin:

Libo-libong mga pasahero ang mahihirapan humanap ng transportasyon papunta sa kanilang mga trabaho at eskwelahan, o umuwi sa kanilang mga pamilya. Paano na sila? 

Libo-libong mga OFW ang namuhunan para sa maliit na negosyo, sa pag-asang makakauwi na sila sa kanilang mga pamilya dahil may kabuhayan na sila sa Pilipinas. Paano na sila?

Libo-libong mga kababaihan, at daan-daang mga single mothers ang humarap sa hamon na gawing trabaho ang pagpapasada na karaniwan ay mga kalalakihan ang gumagawa. Paano na sila?

Libo-libong negosyo ng part-timers na tumutulong magdagdag ng supply sa peak hours o sa mga oras na lubos na kailangan ng mga pasahero ng masasakyan. Paano na sila?

At higit sa lahat, ang libo-libong pamilya na mawawalan ng kabuhayan at mga anak nila na posibleng huminto sa pag-aaral. Paano na sila?

Mahal naming Pangulong Rodrigo Duterte, sa panahon pong ito na desperado na kaming ipaglaban ang aming mga kabuhayan at munting naipundar na negosyo, kayo nalang po ang aming maasahan at masasandalan.

Kami po ay naniniwala sa programa ng pamahalaan na dapat itulak ang modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan, para sa mga pasahero at ganoon din para sa kalikasan. Ito rin po ang mga dahilan kung bakit pinili namin mamuhunan sa mga brand new na sasakyan.

Karamihan po sa amin ay mga propesyunal, mga kabilang sa middle class, na ninais lamang mamuhunan para magkaroon ng pandagdag sa pang-araw-araw na pangangailangan ng aming pamilya sa kabila ng patuloy na tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin. Ito rin po ang aming paraan para makatulong sa aming kapwa Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho.

Ang pera po na ginamit namin na pang puhunan sa mga brand new na sasakyan ay mula po sa aming dugo at pawis. Ito rin po ang dahilan kung bakit matyaga kaming dumadalo sa mga trainings at seminars para maipagpatuloy ang aming mga negosyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng ligtas, maginhawa, at maaasahang paraan ng transportasyon para sa aming mga pasahero.

Mahal na Pangulo, hindi po namin hangad na bigyan kayo ng sakit ng ulo o magdulot ng sama ng loob. Nais lang po namin ay makapag negosyo at maging katuwang nyo sa pagsulong ng ekonomiya, lumikha ng mas maunlad na mga lungsod, at bumuo ng mas maaasahang pundasyon ng kinabukasan ng susunod na henerasyon.  

Sa mga iginagalang namin na leaders at opisyal ng gobyerno, nagsusumamo po kami na sana ay matulungan nyo kami. Para sa aming mga pamilya at mga mananakay na lubos din na umaasa sa amin, katulad ng kung paano kami umaasa sa inyo ngayon.

Salamat po.

 

Lubos na gumagalang,
TNVS Community 

 

#OneGoal1Voice  #IwantGrabUber

#OneGoal1Voice Facebook account

Petition in Cebuano Version here

 

 



Today: #OneGoal1Voice is counting on you

#OneGoal1Voice needs your help with “LTFRB: PETITION TO STOP IMPLEMENTATION OF LTFRB MC 2018-003, & TO MAINTAIN CURRENT NUMBER OF TNVS”. Join #OneGoal1Voice and 33,366 supporters today.