Petition Closed

Pursue the Peace Process in Mindanao #FightForPeace

This petition had 6,918 supporters


Hanggang hindi ninyo naririnig ang putukan ng baril, at hindi ninyo nakikita takot at luha ng mga ina na hila-hila ang mga anak at ilang kagamitan upang magtago o lumikas, ay hindi ninyo mauunawaan ang tunay na kahulugan ng gera.

Isa ako sa mga SAF officer sa operasyon sa paghuli ng teroristang si Marwan sa Mamasapano noong January 25. For security reasons, kailangan kong itago ang aking tunay na pangalan.

Lumaki akong nakikita ang mga libo-libong tao sa mga katabi naming mga bayan na nagbabakwit. Mga pamilyang walang mapuntahan, wala na ring mababalikan. Ayaw ko na muli nila itong maranasan. Kaya masakit sa aking marinig ang walang pakundangan panawagan para sa all-out-war.

Isang taon ng tapos ang Zamboanga siege subalit libo libo pa rin ang hindi nakakabalik sa kanilang mga bahay. Siksikan at hirap ang kanilang kalagayan sa evacuation center sa Zamboanga City grandstand. Mainit kung araw. Malamig kung gabi. Maalikabok kung tag-init. Maputik kung tag-ulan. Walang tiyak na pagkain, Hirap sa pagkuha ng tubig, Marami ang nagkakasakit. Ilan na sa kanila ang namatay. Ang mga kababaihan at kabataan - babae o lalaki - nagiging biktima ng prostitusyon, kung hindi man ay nalulong sa droga. Sa digmaan, ang buhay at kabuhayan ang nakataya.

Hindi isang laro ang gyera. Hindi palaruan ang Mindanao. Manalo o matalo ang tropa ng gobyerno, ang buong mamamayan ng Mindanao - Kristiyano, Moro at Lumad, Kristyano o Muslim - ang nahihirapan, ang biktima ay palaging talo.

Bilang membro ng Special Action Force ng Philippine National Police ay ginawa ko ang petisyon na ito dahil nais kong protektahan ang nakararami sa amin na nakaranas ng lupit ng gera. Gusto kong mabigyan ng boses ang naniniwala sa kapayapaan, lalo na ang mga ina at kabataan.

Walang ina na ninais humawak ng baril ang kanyang anak. Warrior man ang kanilang asawa, pipiliin ng isang ina na kapiling ang kanilang anak na masaya at buhay, at may magandang kinabukasan. Ang mga ina ang nagdurusa tuwing nakikitang umiiyak, nagtatakbuhan at natatakot ang mga anak kapag may labanan. Ang kanilang paghihirap ay hindi mababayaran.  

Sinanay ako para sa isang labanan subalit natatakot akong sumiklab ang digmaan. Nanghihinayang ako sa buhay na mawawala sa amin, sa kalaban at higit lalo sa mga sibilyan. Natatakot ako para sa mga ina at kanilang anak. Natatakot akong maranasan ng pamilya ko ang epekto ng gera.

Nais kong magkaroon ng hustisya ang aking namatay na kasamahang 44 na SAF troopers. Mahigit tatlumpung taon na ang gera sa Mindanao. Libo-libo na ang namatay. Huwag nating payagang magpatuloy ang walang katapusang labanan. Ang all-out-war ay hindi kailanman man magluluwal ng katarungan, higit lalo ng kapayapaan. Sana po ay makiisa kayo sa aking petisyon para sa katahimikan ng Mindanao, at buong bansa.

Petition in English here



Today: jason is counting on you

jason navarro needs your help with “Government of the Republic of the Philippines: Pursue the Peace Process in Mindanao #FightForPeace”. Join jason and 6,917 supporters today.