Jamaico IgnacioQuezon City, Philippines
Oct 30, 2025

Kumusta po kayong lahat?

Magbibigay lang po ako ng isang mas personal na update tungkol sa ating petisyon. Para po sa mga hindi pa nakakakilala sa akin, ako po si Jamaico "Mico" Ignacio, ang main petitioner nitong Change.org petition simula pa noong 2018. Buhay na buhay pa rin po ang ating adhikain: ang maibalik ang Philippine History sa high school.

Aaminin ko po... mahirap din po ang mga nagdaang taon mula noong sinimulan natin ang petisyong ito. 2014 noong tinanggal ito bilang dedicated subject, kaya lagpas isang dekada na rin ang lumipas.

May nabuong organisadong movement para dito (High School PHilippine History Movement). Nagsimula rin tayo ng Facebook page na nagkaroon ng ilang viral posts (e.g., GOMBURZA posts at anti-disinformation campaigns). Marami rin tayong webinars at conferences na naisagawa (e.g., Academic Forum on Philippine History Education: Local and National History in the Revised K to 12 Curriculum and Higher Education kasama ang NHCP). May mga interview at published articles din tayo sa mainstream media (e.g. Rappler at Philstar). Tinulungan din kami na mga academics (public historians, history influencers, researchers, etc.) May mga kongresista at senador na nag-file ng bills sa Kongreso upang maituro muli ang Philippine History sa high school. Marami ring umanib at kumampi mula sa iba’t ibang samahan.

Pero marami rin ang biglang nawala. Marami ang mistulang naki-ride lang at para bang pansamantalang gawain ito. (Marami kaming inasahang tutulong pero biglang tumahimik o hindi na makontak.) May mga gustong gamitin ang pangalan ng movement. May mga tao sa academe (mga paaralan at ilang academics) na nilapitan namin pero tinalikuran kami (academic hubris?) Hindi rin kami pinansin ng mga pulitikong nilapitan namin. May mga panahon na mistulang walang patutunguhan ang adhikaing ito.

Sino baga kasi kami? Mga ordinaryong guro sa kasaysayan, propesyonal, at mag-aaral lang kasi kami. Nakakapagod at nakakawalang-gana na minsan. 

Pinakamalala, may mga tao sa social media na winawarak ang samahan at ang adhikaing ito dahil ayaw nila sa layunin, o ginagawan ng malisya ang wala. Ika nga ng isang troll noon 2020: “Aanhin ba ang Philippine History na ’yan?” Nakakalungkot lang. Akala ko noon ay dalisay ang adhikain ng isulong ang pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas.

Pero sa kabila ng lahat ng ito, hindi tayo bumitaw. Marami pa rin ang tumulong. Dahil sa matibay na pagsasama-sama ng mga petitioners tulad ninyo, malapit na nating maibalik ang Philippine History sa high school.

Ngayong taon (SY 2025-2026), opisyal nang inanunsyo ng DepEd na susubukan nilang ibalik ang subject na Philippine History sa Senior High School sa ilalim ng bagong “Strengthened Senior High School Curriculum.” Ito ang bagong subject na "Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino". May mga paaralan na nagpi-pilot (sinusubukan) nito ngayon. Kapag naging matagumpay, ipapatupad ito sa lahat ng senior high school sa TP 2026–2027. Kaya laking pasasalamat sa DepEd at mga opisyales nito na binigyan ng pagkakataon na ibalik ang Philippine History bilang dedicated subject sa high school. 

Isang malaking tagumpay ito. Hindi lang para sa mga guro o historians, kundi para sa bawat Pilipinong naniniwala na mahalaga ang pagbabalik-tanaw sa ating nakaraan.

“Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.”

Ngunit hindi pa dito nagtatapos ang laban. Kailangang bantayan natin ang mismong laman ng curriculum (SY 2026-2027), ang training ng mga guro, at ang pagpapalaganap ng makabansang pag-aaral ng kasaysayan.

Sigurado, kakailanganin ng tulong ng mga guro sa capacity building: sa content training at paggawa ng bagong reading materials. Kaya hinihikayat po natin ang mga Department of History, history organizations, publications, at lahat ng makakatulong: umakda tayo ng maayos na reading materials (libro at module) at mag-facilitate ng content training para sa SY 2026–2027.

Kaya sa lahat ng 64,000+ na pumirma, mula sa puso ko: maraming salamat. Hindi ko man kayo kilala isa-isa, pero bawat pirma ninyo ay patunay na may mga Pilipinong naniniwala pa rin na ang kabataan ay dapat may malalim na pagkaunawa sa ating kasaysayan.

Kung gusto ninyong manatiling updated, maaari ninyong sundan ang aming page: High School Philippine History Movement (HSPHM) sa Facebook. Doon natin itutuloy ang talakayan at mga proyekto para sa mga susunod na hakbang. Sa ngayon, tuloy ang paghihintay sa SY 2026-2027.

Muli, mula sa puso: maraming, maraming salamat.

Para sa kasaysayan. Para sa kabataan. Para sa bayan. :)

— Jamaico D. Ignacio
Founder and Board Chairperson, High School Philippine History Movement
Main Advocate of Change.org Petition “We Seek the Return of Philippine History in High School”

Copy link
WhatsApp
Facebook
Nextdoor
Email
X