DEADLINE NI TEACHER: Isa pang biktima ng bulok na sistemang pang-edukasyon


Isang araw makalipas ang pagluluksa sa apat na estudyanteng namayapa dulot ng bulok at huwad na sistema ng edukasyon sa panahon ng pandemya ay panibagong biktima na naman ang naitala. Siya ay si Ma'am Ruth, kabilang sa milyon-milyong gurong naghahabol ng deadline sa patung-patong na gawaing iniatang ng DepEd upang maipagpatuloy ang umpisa ng klase. Ngunit dahil sa kaganapang nangyari sa nasabing guro animo'y ang deadline din mismo ang humabol sa hininga nito.
Naganap ito sa isang pampublikong paaralan habang abala ang mga guro sa pag-aayos sa mga gamit para sa pag-uumpisa ng klase nang biglang mawalan ng malay at mawalan ng buhay si Ma'am Ruth.
Ayon sa post ng kapwa guro na si Ma'am Maricel, nilinaw na bukod sa sobrang pagod ay may pre-existing condition umano ang butihing guro na nagtulak sa katawan nito upang bumigay. "Kaugnay nito ay hinihiling natin sa DepEd Central na maglabas ng malinaw na sagot, ano nga ba ang sagot ng DepEd sa pagkakataon lalo na sa school s'ya inatake", dagdag pa ni Ma'am Maricel. Kasabay din umano nito ang panawagang huwag iasa ang pagpiprint ng activity sheets sa mga guro at maghinay-hinay sa pagpapagawa ng mga paper works at agarang submission.
Ang mga estudyante at mga guro ay parehong biktima ng pagkukulang ng gobyerno at marami na ang nagpatunay nito. Base sa mga testimonya at mga kaganapan gaya nito, hindi lang basta numero kundi mga buhay ng mga nasayang na kinabukasan.
Kami, mula sa Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) ay patuloy na nanawagan para sa isang ligtas, libre, aksesible, at dekalidad na edukasyon na natatamasa ng lahat ng estudyante, kasabay ng dagdag na seguridad at tulong para sa mental at pisikal na kalusugan ng ating mga guro.
Labis na ang paghihirap ng masa sa pagbibingi-bingihan ng DepEd, CHED, at ni Pangulong Duterte mismo sa ating mga hinaing, at patuloy pa rin ang pagbubulag-bulagan sa mga problemang ikinahaharap ng bansa dahil sa palpak na pamamahala sa edukasyon at kakulangan sa paghahanda sa anim na buwan ng lockdown sa ating bansa.
Habang hindi maisisiguro ang kalidad ng edukasyon, at ang kaligtasan at kalusugan ng mga guro, estudyante, at manggagawa, kailangang gumawa si Pangulong Duterte mismo ng isang Executive Order para sa Academic Freeze hanggang Enero. Kung hindi ito gagawin, mas magiging malubha pa ang sitwasyon, at aabot sa mas mataas na kalagayan ang pagdurusa ng masang estudyante, guro, at manggagawa -- at mas darami ang dadanak na dugo dahil sa kapalpakan ng administrasyon na tugunan ang krisis sa edukasyon.
Iisa ang ating laban sa gitna ng pandemya, krisis sa edukasyon at ekonomiya, at sa kawalang-tugon ng gobyerno sa kabila nitong lahat. Naninindigan ang SPARK na idadala ang ating laban hanggang sa Malacanang kung kinakailangan, hindi lang para makamit ang hustisya para sa mga nawalang buhay, kundi para na rin makabuo ng isang tunay na “better normal” kung saan walang maiiwan -- estudyante man o guro’t manggagawa.
#AcademicFreezeNow
#MassTestingNowPH
#TuloyTuloyNaSahod
#AyudaParaSaLahat
References:
Personal post of Maam Maricel on the death of her colleague in Bacoor City, Cavite. https://www.facebook.com/ycel.herrera/posts/10214714790418517