Leni Robredo for President 2028 Signature Campaign

2

Let’s get to 5 signatures!
Petitions with 1,000+ supporters are 5x more likely to win!

The Issue

 

 

 

 

 

 

Panawagan Para sa Pag-asa, Karangalan, at Muling Pagbangon ng ating Inang Bayan

 

Sa mahalagang yugto ng kasaysayan ng ating bayan, tayong mamamayan ay hindi lamang pipili ng mga pinuno, pipili rin tayo ng uri ng kinabukasang nais nating ipaglaban.

 

Ngayon, tayo'y nasa isang mahalagang sangandaan at patuloy na humaharap sa malalim na suliranin. Ang lumalalang kahirapan, katiwalian, pagkakawatak-watak, kawalang-katiyakan sa ekonomiya, paghina ng mga institusyon, mga banta sa pambansang soberanya, at lumiliit na tiwala ng taumbayan sa pamahalaan. 

 

Sa panahong tulad nito, ang tunay na pamumuno ay hindi nasusukat sa ingay, kasikatan, o lakas ng makinaryang politikal. Ito ay nasusukat sa integridad, kakayahan, tunay na malasakit, at totoong tapang na unahin ang kapakanan ng sambayanan kaysa pansariling interes.

 

Ito ang dahilan kung bakit patuloy na tumitingala ang napakaraming Pilipino kay Leni Robredo hindi lamang bilang dating Bise Presidente, kundi bilang simbolo ng malinis na pamamahala, pananagutan sa bayan, at tapat na paglilingkod.

 

Sa buong buhay niya bilang lingkod-bayan, paulit-ulit niyang pinatunayan ang isang katangiang tila naging bihira na sa politika: katapatan na hindi natitinag, kababaang-loob na hindi nangangahulugan ng kahinaan, at pamumunong nakabatay sa gawa kaysa sa puro salita.

 

Bago pa man siya pumasok sa pambansang politika, inilaan na niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa mga nasa laylayan ng lipunan bilang abogado at tagapagtaguyod ng karapatan ng mahihirap. Ang kanyang serbisyo publiko ay hindi itinayo sa kapangyarihan o dinastiya, kundi sa tunay na pag-unawa sa araw-araw na paghihirap ng karaniwang Pilipino.

 

Bilang kinatawan ng Camarines Sur at kalaunan bilang ika-14 na Bise Presidente ng Republika ng Pilipinas, kinilala siya sa loob at labas ng bansa dahil sa kanyang 'transparent' o bukas sa lahat na pamamahala, mabilis na pagtugon sa sakuna, mga programang laban sa kahirapan, at pamumunong nakasentro sa mamamayan lalo na sa laylayan ng lipunan. Sa kabila ng limitadong pondo at mga hadlang sa politika, naging kilala ang kanyang tanggapan sa epektibo at maayos na pagpapatupad ng mga programang direktang nakatulong sa mga komunidad, lalo na sa panahon ng krisis.

 

Noong kasagsagan ng pandemya, habang nababalot ng takot at kawalang-katiyakan ang bansa, naging aktibo ang kanyang tanggapan sa pagbibigay ng ayuda, medical assistance, community learning programs, suporta sa kabuhayan, at iba’t ibang volunteer-driven initiatives na umabot sa libu-libong Pilipino sa iba’t ibang panig ng bansa. Maging ang ilan sa kanyang mga kritiko ay kinilala ang propesyonalismo, transparency, at kahusayan ng kanyang mga programa.

                                                                                                                                                                 

Higit sa lahat, nabuo sa kanyang pamumuno ang isang kilusang higit pa sa politika — isang kilusang pinatatakbo ng mga boluntaryo, ordinaryong mamamayan, kabataan, propesyonal, manggagawa, magsasaka, guro, negosyante, at mga Pilipinong naniniwalang posible pa ring magkaroon ng gobyernong tapat, makatao, at may pananagutan.

 

Pinatunayan ng kanyang pamumuno na maaari pa ring manaig sa serbisyo publiko ang disente, mahusay, at may paninindigang liderato.

 

Sa kasalukuyan, bagama’t nagpahayag siya ng hangaring ipagpatuloy ang paglilingkod sa lokal na pamahalaan ng kanyang minamahal na lungsod ng Naga, marami pa ring Pilipino ang naniniwalang kinakailangan muli ang kanyang pamumuno sa pambansang antas.

 

Ang petisyong ito ay hindi bunga ng bulag na paghanga sa politiko. Ito ay bunga ng tiwala,  pananalig at pag-asang kaya pa ring makaahon ng Pilipinas mula sa pagkakahati-hati, katiwalian, takot, at pamamayani ng tradisyunal na pulitika. Isa itong sama-samang panawagan mula sa mga mamamayang naniniwalang posible pa rin ang gobyernong nakabatay sa integridad at tunay na malasakit sa bayan.

 

Layunin ng kampanyang ito na hikayatin si dating Bise Presidente Leni Robredo na muling pag-isipan ang posibilidad ng pagtakbo sa pagkapangulo sa taong 2028. Hindi para sa kapangyarihan o pansariling ambisyon, kundi para sa pagpapatuloy ng laban para sa mabuting pamamahala, matatag na demokrasya, pambansang dignidad, at isang mas maliwanag at tunay na malayang kinabukasan para sa sambayanang Pilipino.

 

Sa mga hindi man sumuporta sa kanya noon at magpasa hanggang ngayon, ang petisyong ito ay isa ring paanyaya. Alisin natin ang kulay ng politika at iwaksi ang propaganda at pagkakawatak-watak. Tumingin  tayo sa katangian, silipin ang mga nagawa na, kakayahan, integridad, at ang uri ng kinabukasang nais nating ipamana sa susunod na henerasyon. 

 

Sapagkat ang isang bansa ay hindi nababago ng takot o matatamis na pangako lamang. Ito ay nababago ng mga lider na nagbibigay-inspirasyon upang maniwala muli ang mamamayan sa tama  at ng mga mamamayang may tapang na tumindig para rito.

 

Hindi pa huli ang lahat para sa Pilipinas.

 

At marahil, sa pamumuno ng mga lider na tulad ni Leni Robredo, posible pa ring makamit ang isang mas maliwanag, mas makatarungan, at tunay na malayang bansa.

 

Kay Leni Robredo, tayo'y naniniwalang may Liwanag ang Bukas, at Aangat tayong Lahat!

 

avatar of the starter
Pinkwave MovementPetition StarterCitizen with a Cause.

Petition Updates