Iligtas ang mga Puno sa Quirino Avenue at Roxas Boulevard

387

Let’s get to 500 signatures!
Petitions with 1,000+ supporters are 5x more likely to win!
Recent signers:
Coryn Mae and 19 others have signed recently.

The Issue

ISANG PAHAYAG NG PAGTUTOL AT PANANAWAGAN SA PAGKILOS: ILIGTAS ANG MGA PUNO SA QUIRINO AVENUE AT ROXAS BOULEVARD!

Para kay:

JUAN MIGUEL T. CUNA, Acting Secretary

Department of Environment and Natural Resources (DENR)

Mula sa:
Mga Mamamayan, Mananampalataya, at Tagapagtanggol ng Kalikasan sa Lungsod ng Maynila

I. Ang Banal na Tungkulin: Ang Kalikasan Bilang Ipinagkatiwalang Yaman

Nang likhain ng Panginoon ang mundo kasama ang mga likas na yaman nito, ipinagkatiwala Niya sa ating mga tao ang pangangalaga sa mga ito nang may lubos na pagmamahal—hindi upang abusuhin para sa ating pansariling interes. 

Ipinaaalala sa atin ng encyclical ni Papa Francisco na Laudato Si’ (LS 67) na ang tao ay walang ganap na kapangyarihan sa mundo: 

“Ito ay nagpapahiwatig ng isang relasyon ng pagiging kapaki-pakinabang at pananagutan sa pagitan ng tao at ng kalikasan. May karapatan ang bawat pamayanan na pakinabangan ang mga biyaya ng kalikasan para sa kanilang ikabubuhay, ngunit pananagutan din nilang itaguyod ang kalikasan at siguraduhing mananatili itong mabunga para sa mga darating na salinlahi."

Ang bawat nilalang ay may sariling halaga at hindi palamuti lamang.

Ngunit sa nakalipas na mga linggo, tila ginawang ordinaryo ang mga araw habang patuloy at palihim na pinapatay ang mga malulusog at matitibay na puno sa kahabaan ng Quirino Avenue hanggang sa Roxas Boulevard.  

Wala ring naganap na Public Consultation o Public Hearing. Ang kawalan ng boses ng mamamayan ay tahasang paglabag sa ating karapatan na magkaroon ng isang malinis at ligtas na kapaligiran. Kapag nagpatuloy ito, hindi lamang mga puno ang puputulin, kundi ang pag-asa para sa mas maayos, mas ligtas, at mas luntiang bukas para sa mga susunod na henerasyon.

II. Ang Krisis sa Quirino Avenue: Mahigit 200 Puno ang Winasak

Mahigit dalawang daang (200) puno na ang nawala, at daan-daan pa ang nanganganib sa kahabaan ng Quirino Avenue at Roxas Boulevard. Ang mga punong ito ang nagsisilbing baga ng Maynila. Sila ang nagbibigay ng lilim sa matinding init (Urban Heat Island effect), sumasala sa maruming hangin, at nagpoprotekta sa atin laban sa malubhang pagbaha. Ang Maynila ay isang napakasiksik na lungsod; ang pagbawas sa mga puno ay isang direktang banta sa kalusugan at buhay ng milyun-milyong mamamayan nito.

Gaya ng mariing babala sa Laudato Si’ (LS 34):

“Hindi sapat na isipin lamang ang iba't ibang species bilang mga potensyal na 'likas na yaman' na mapakikinabangan, habang winawalang-bahala ang katotohanan na mayroon silang sariling halaga... Dahil sa atin, libu-libong species ang hindi na magbibigay ng luwalhati sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang pag-iral, o maihahatid ang kanilang mensahe sa atin. Wala tayong karapatang gawin ito.”

Sa bawat punong bumabagsak, pinalalala natin ang krisis sa klima sa kalunsuran. Mas umiinit ang ating kapaligiran. Mas lumalala ang panganib ng pagbaha. Mas nababawasan ang espasyong nagbibigay buhay di lamang sa tao kundi pati na din sa mga ibon at iba pang nilalang na nananahan sa mga punong ito. Walang anumang halaga ng semento at bakal ang makatutumbas sa buhay na ibinibigay ng kalikasan.

III. Ang Tunay na Pag-unlad ay May Malasakit

Hindi kami tutol sa pag-unlad. Ngunit naniniwala kami na ang tunay na pag-unlad ay hindi kailangang magdulot ng pagkasira. Sa wika ng Laudato Si’ (LS 194): 

“Ang pag-unlad na hindi nag-iiwan ng mas magandang mundo at mas mataas na kalidad ng buhay ay hindi maituturing na tunay na pag-unlad.” 

Walang saysay ang modernisasyon kung ang kapalit nito ay mas mainit na lungsod, mas maruming hangin, at mas matinding panganib sa ating mga anak.

Kaya nga, bilang mga mamamayan at mananampalataya, ang pananahimik sa harap ng pagwasak na ito ay pakikibahagi sa kasalanan laban sa Sangnilikha. Ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi lamang laban ng iilan—ito ay pananagutan nating lahat.

IV. MGA TIYAK NA PANANAWAGAN SA KILOS (CALL TO ACTION)

Haharapin natin ang pagdiriwang ng Araw ng Maynila na may paninindigan. Direkta tayong nananawagan sa tanggapan ng DENR Secretary at sa mga lokal na awtoridad para sa mga sumusunod:

AGARANG PAGPAPATIGIL (MORATORIUM): Ipatigil sa lalong madaling panahon ang pagputol sa lahat ng natitirang puno sa kahabaan ng Quirino Avenue at Roxas Boulevard at buong lungsod ng Maynila na maapektuhan ng SALEX..
 

MANDATORY PUBLIC HEARING: Baguhin at amyendahan ang mga lokal at pambansang polisiya upang gawing mahigpit na rekisito (mandatory requirement) ang Public Consultation bago maglabas ang DENR ng anumang Tree Cutting Permit.
 

GREATER INFRASTRUCTURE DESIGN: Ipatupad ang mga disenyo ng imprastraktura na gumagalang sa natural terrain at umiiral na mga puno (environment-inclusive engineering), sa halip na ituring ang kalikasan bilang hadlang.
 

EPEKTIBONG ALTERNATIBO: Maglatag ng mga solusyong pang-transportasyon at pag-unlad na hindi isinasakripisyo ang kalikasan para lamang sa pansamantalang kaginhawaan ng iilan.
 
KUNG HINDI TAYO KIKILOS NGAYON, SINO PA? KUNG HINDI NGAYON, KAILAN PA?

Ang aming boses ay hindi mapatatahimik. Ang ating mga panalangin ay may kalakip na gawa at pagkilos. Sama-sama nating ipaalala sa ating mga pinuno ng pamahalaan na ang mga puno ay hindi hadlang sa pag-unlad  - sila ay buhay na bahagi ng pag-unlad na gusto nating ipamana sa kinabukasan. 

Sa ngalan ng katarungang pangkapaligiran at ng mga susunod na henerasyon, panatilihing luntian ang Maynila!

ILIGTAS ANG MGA PUNO! IPAGLABAN ANG KALIKASAN! IPAGTANGGOL ANG KINABUKASAN!

Maraming salamat po sa inyong pakikinig sa aming panig. Umaasa kami sa inyong makatarungang pagtugon. 

 

Petition Updates