Jul 23, 2015
By Raymond Burgos Habang hindi pa nagkakaroon ng oral arguments sa Korte Suprema hinggil sa usapin ng Torre de Manila, makabubuting balik-aralan ang mga naganap na pangyayari na siyang nagpalakas sa posisyon ng DMCI para ituloy ang konstruksyon ng tinatawag ngayong pambansang photobom­ber na “Terror de Manila.” Oktubre 2011 ang nang makakuha ang DMCI ng zoning certification mula sa Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) at vertical height clearance permit mula sa Civil Aviation Authority of the Philip­pines (CAAP). Ang mga dokumento mula sa HLURB at CAAP ang nagbigay daan sa DMCI para makipag-usap sa Manila City Hall para humingi ng mga kauukulang mga permit bago simulan ang pagpapatayo ng isang high-rise condominium tower sa kabila ng umiiral na City Ordinance na nagbabawal ng matataas na building na sisira sa line of sight view ng Rizal Monument sa Luneta. At pagkatapos ang pitong buwan ng pakiki­pag-usap sa mga opisyal ng Manila City Hall, nakakuha ang DMCI ng zo­ning permit mula sa Manila City Planning and Development Office (MCPDO) para sa konstruksyon ng Torre de Manila. Eksaktong Hunyo 19, 2012 na siyang kaarawang ng ating pambansang bayani na si Jose Rizal ang petsa ng zoning permit na pirmado ng hepe ng MCPDO na si Resty Rebong na parang pinag-adya ng panahon dahil Hunyo 19, 2015 naman nag-isyu ang Korte Suprema ng TRO (temporary restraining order) laban sa Torre de Manila. Agad namang nag-protesta laban sa MCPDO permit ang cultural activist at tourist guide na si Carlos Celdran dahil nakita na niya ang magiging kasiraan nito sa vista ng Rizal Monument ng Torre de Manila na tinatawag ngayong “pambansang photobomber” Noong sumunod na buwan naman ng Hulyo 2012 ay nakakuha ng building permit ang DMCI sa Manila City hall at sinabi noon ng Building official na si Engr. Melvin Balagot na natugunan ng DMCI ang lahat ng rekisitos para sa permit. Sa buwan ding ito naghain si Councilor Don Juan Bagatsing ng City Council Resolution No. 121 na naglalayong suspendihin ang building permit na inilabas sa DMCI ni Engr. Balagot base sa guideline at standards ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) at ang mga umiiral na national heritage at histo-cultural laws na aprubado ng Manila City Hall Council. Noong Setyembre 2012 ay binalewala ng Manila City Building o­fficial ang Resolution No. 121 at walang suspension order na inilabas sa building permit ng Torre de Manila alinsunod sa legal opinion ni Chief City Legal Officer Atty. Renato dela Cruz. Dahil dito ay may mga humingi ng opinyon sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) para matigil ang konstruksyon ng Torre de Manila pero laking gulat ng mga nag-petisyon sa na­ging katugunan ng NHCP. Noong Nobyembre 2012, inindorso at sinuportahan ng NHCP ang Torre de Manila sa isang official letter na pirmado ni Executive Director Ludovico Badoy at Chairman Ma. Serena Diokno. Pinagtibay ng NHCP ang naging posisyon ng DMCI at ng Manila City Hall Building official. Ang pagkatig ng NHCP sa DMCI at Manila City Hall ang nagpawalang-saysay sa Resolution No. 121 dahil nakakuha ng kakampi ang administrasyon ni Mayor Alfredo Lim sa isang sa­ngay ng pamahalaan na may kinalaman sa isyu ng Rizal Monument. Marso 2013 nang maghain ng ordinansa si Councilor DJ Bagatsaing ang Manila Sacred Sightline Act na naglalayong protektahan ang pagiging sagrado ng mga cultural sites at historical monuments sa pamamagitan ng pagbabawal ng konstrukyon ng mga building na sisira sa line of site at visual corridor ng mga monumento sa lungsod ng Maynila. Mabilis na ipinasa ng Manila City Council ang Ordinance No. 8310 na si Bagatsing ang pangunahing may-akda pero ne-veto ito ni Mayor Lim noong Abril 2013 ayon na rin sa ayuda ni City T­ourism Heritage director na si Gemma Cruz-Araneta na kilalang descendant ni Jose Rizal. Ipinagtataka ng marami kung bakit nagawa ito ni Gemma Cruz-Araneta at nangyari ang pag-veto ni Mayor Lim isang buwan bago ang 2013 elections at sa panahong naka-recess ang City Council ay abala ang mga konsehal sa pangangampanya. Ito naman ang nagtulak kay Carlos Celdran na muling buhayin ang kanyang online petition laban sa DMCI at Torre de Manila bilang pagha­handa na rin sa papasok na bagong administrasyon ni President-Mayor Joseph “Erap” Estrada. For more updates and latest news, follow us & subscribe! DISCLAIMER: Comments posted here do not represent or reflect the views of Abante Online. While we respect the opinions of our readers to exercise their right to free expression, we reserve the right to moderate comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with Abante editorial standards. Abante Online is not liable for any false information posted by readers in the comment section. http://www.abante.com.ph/op/columnists/out-of-order/30800/faith.html
Copy link
WhatsApp
Facebook
Nextdoor
Email
X