PETISYON PARA ITIGIL ANG PAGMIMINA AT LOGGING SA SIERRA MADRE

71

Let’s get to 100 signatures!
Petitions with 1,000+ supporters are 5x more likely to win!

The Issue

Ang bulubundukin ng Sierra Madre ay natural na panangga o proteksyon ng Cagayan Valley sa tumatamang malalakas na bagyo sa Region 02.  Sa mahabang panahon, epektibong proteksyon ang Sierra Madre laban sa taunang 10-15 mga bagyong dumaraan sa Region 02.  Ang matataas na kabundukan ng Sierra Madre ay nakatutulong pansalag ng malalakas na hangin ng mga bagyo.  Samantala ang makapal na kagubatan ay pumipigil sa mabilis na paglaki ng mga ilog upang maiwasan ang malalaking baha sa lambak.

Ang nagpapatuloy na operasyon ng malaking minahan at trosohan sa pusod ng kagubatan ng Dinapigue, Isabela sa Sierra Madre ay naglalagay sa panganib ng tuluyang pagkasira ng kabundukan at kagubatan.  Ang pagkasira ng natural na proteksyon ng Cagayan Valley mula sa delubyo ng malalakas na hangin, ulan at bagyo ay panganib sa kaligtasan at buhay ng mga mamamayan ng Cagayan Valley. Mabagal ang pag-unlad at dagdag pahirap sa mga magsasaka ang madalas na pagbabaha dahil sa mga bagyo – nasisira ang pananim na palay at mais, nasisira ang mga kabahayan, paaralan at iba pang imprastraktura. Lugi sa pagtatanim ang mga magsasaka kaya’t di makabayad sa inutang na kapital. Lalo silang nalulubog sa utang.  Kapag mabagal ang pag-unlad ng agrikultura sa Cagayan Valley malalim ang epekto nito sa pangkabuoang ekonomiya ng bansa.

Hindi patas ang pakinabang ng mamamayan mula sa malaking pagmimina at halos walang pakinabang sa malakihang pagtotroso. Kapalit ng pagkaubos ng ating kagubatan at pagkasira ng kabundukan ay lason sa ating mga ilog, maduming hangin at pagkaubos ng mga minerales na maaaring magamit sa pagtatayo ng maka-Pilipino at maka-mamamayang industriya.  Halos ipamigay ng libre ang mga minerales sa Dinapigue, Isabela.  Hindi binabayaran ng korporasyon ng minahan ang mga minerales na kinukuha nila at ibinebenta.  Pambansang patrimonya ng taumbayan ang nikel tulad ng iba pang mga minerales.  Pero katumbas lamang ng 10 porsiento ng kinikita ng minahan ang ibinibigay bilang buwis at iba pang porma ng benepisyo tulad ng ilang piraso na scholarship. Lampas isang dekada na ang operasyon ng minahan at logging sa Dinapigue subalit, mahirap pa rin ang mga katutubong mamamayang Agta, maliliit na banka pa rin ang gamit ng halos 200 mangingisda, bihira ang transportasyon, mabagal ang takbo ng kabuhayan sa lugar.  Subalit mayayaman ang mga may-ari ng korporasyon ng minahan at trosohan pati na ang mga kasabwat nila na mga pulitiko.

Ang Dinapigue Mining Corporation ay pagmamay-ari ng Nickel Asia Corporation (NAC) na sumasaklaw sa 2,751 ektarya para sa “strip/surface mining”.  Samantalang ang mga kompanya ng logging na LuzMaTim Corp ay sumasaklaw ng 23,543 ektarya at PaTeCo na sumasaklaw ng 33, 454 ektarya ng kagubatan ng Sierra Madre. 

Kami, na mga nakapirma sa petisyon na ito ay nagkakaisa sa panawagan na, tama na, sobra na ang pang-aabuso at pagkasira ng kalikasan, buhay at kabuhayan ng mga mamamayan ng Cagayan Valley.

ITIGIL ANG OPERASYON NG MINAHAN AT LOGGING SA DINAPIGUE, ISABELA!
PROTEKTAHAN ANG SIERRA MADRE!
ITAGUYOD ANG KABUHAYAN, BUHAY AT KALIKASAN!
SAVE CAGAYAN VALLEY!

 

 

Petition Updates

Share this petition

Petition created on July 23, 2025