MANINDIGAN LABAN SA KATIWALIAN NG PS-DBM AT PHARMALLY!

MANINDIGAN LABAN SA KATIWALIAN NG PS-DBM AT PHARMALLY!

Kami ay lubos na nababahala sa lantarang korapsyon ng pinasok ng kasalukuyang administrasyon sa pagbili ng face masks, face shields, PPEs, at test kits mula sa piling suppliers na pinaboran ng Procurement Service—Department of Budget and Management, kasama rito ang Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ang bilyun-bilyong pondo na binulsa ng mga gahamang may mararangyang bahay at sasakyan ay malaking ayuda na sana para matugunan ang pang-araw-araw nating pangangailangan ngayong pandemya. Hindi sana milyun-milyon ang naghihirap, nagugutom, nawalan ng trabaho’t kabuhayan, nagkakasakit, at ang ating mga mahal sa buhay ay naisalba sana sa kamatayan.
Nababahala rin kami sa naging tugon ng Pangulong Duterte na pigilan maisawalat ang buong katotohanan sa kanyang walang-pagod na pagtatanggol sa mga taong kasangkot dito, lalo na ang kanyang dating economic adviser na si Michael Yang. Dagdag pa nito ang pag-atake sa institusyon ng COA at Senado.
Ang kanyang pagbabawal sa kanyang Gabinete na dumalo sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado ay isang malinaw na indikasyon ng paglulubid ng buhangin upang mapagtakpan ang malaking kapalpakan sa paggamit ng pondo ng bayan laban sa hagupit ng COVID-19.
Taob na ang kaldero. Hindi na tayo maaaring magsawalang-kibo. Kailangan natin makisangkot, manindigan, at putulin ang pagmamalabis sa kapangyarihan at paglustay sa kaban ng bayan. Ikaw at ako ay kailangan tumindig at ituwid ang baluktot na pamamalakad.
Ngayon na ang panahon para manindigan at kumilos!