Confirmed victory

I-extend ng 6 na buwan ang HRV Compensation Act para sa aming mga biktima ng Batas Militar

This petition made change with 2,242 supporters!


Cabatacan, Cagayan -- Agosto 27, 1980. Isang sigaw; isang saglit pa at umulan na ang mga bala sa bahay namin. Sa isang iglap, nawalan ako ng pamilya: sina Lolo Domingo at Lola Engracia Bergonia, dalawang tiyahin, isang tiyuhin at dalawang pinsan. Limang taong gulang lang ako noon, ang tanging naka-ligtas sa masaker.

Ang huling naalala ko, tinatawag ko si “Tatang.” Sa iyak na yun, natunton ako ni Nanay. Dalawang ospital ang pinagdalhan sa aking noong gabing yon. May tama ang bituka. Ang sabi ng doktor nasa Diyos lang ang kaligtasan ko. Tatlong linggo ako sa ospital. Napilitang lumuwas kahit di pa lubusang magaling;  wala na kaming matustos sa pampagamot. Nagbakwit kami, lumipat sa ibang bayan, at naglagi doon ng tatlong taon.

Mahigit tatlong dekada na ang nakaraan, pero gabi-gabi dinig ko pa din ang ulong nga mga nasaktan at tuluyan nang namatay. Gabi-gabi, naamoy ko pa din ang gasolina at apoy na tumupok sa aming kabahayan. Gabi-gabi, naghahari ang ingay ng putok sa panaginip.

Hindi ako nagiisa. Marami ang nawalan ng pamilya, ang na-tortyur at nasaktan sa dalawang dekadang namayagpag ang Batas Militar sa bansa natin. Para sa marami, walang closure ang hirap at sakit na naranasan. 

Nagkaroon ng batas noong Pebrero 2013 para sa kompensasyon at reparasyon ng mga biktima. Dalawang taon ang hinintay para matapos ang implementing rules at regulations. Pero mawawalan na ito ng bisa sa May 12, 2016. Isang taon lang ang binigay para sa implementasyon. Dalawang dekada nagdusa ang bayan sa ilalim ng batas militar.

Isa ako sa hindi pa nakakapag-register bilang biktima ng diktadurya. Wala pa kasing mga death certificate ang pamilya ko. Hindi sila nabasbasan ng pari noon kasi takot ang lahat ng tao. Ni hindi sila nadala sa munisipyo. Baka mamatay din ang sinumang umangkin sa kanilang bangkay. 

Hirap din akong lumuwas sa Maynila para habulin ang proseso dahil sa liblib na lugar ako nakatira. Mahirap lang kami at ka-oopera ko lang dahil sa komplikasyon na galing sa lumang sugat.  Hindi ako nag-iisa. Mahigit 7,000 din ang di pa dokumentadong mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Batas Militar. May tantyang 40,000 to 90,000 ang dami ng mga biktima; Halos 25,000 pa lang ang nakapag-apply.

Nai-file na sa Senado at sa House of Representatives ang Joint Resolutions No. 10 para sa extension ng application ng mga biktima. Kailangan ang mabilis na aksyon ng pmahalaan dahil hanggang Nov.10,2014 lang ang aplikasyon. Ito lamang ang pagkakataaon upang kahit paano ay magkaroon ng partial na hustisya sa mga biktima. Partial lang dahil hindi na at hindi pa matamo ang prosekusyon ng mga nagkasala. Hindi dapat ipagkait ang oportunidad para sa lahat ng biktima. Suportahan po natin ang extension ng R.A. 19368.  



Today: Pablo is counting on you

Pablo Pagtama needs your help with “Senate President Franklin Drilon: I-extend ng 6 na buwan ang HRV Compensation Act para sa aming mga biktima ng Batas Militar”. Join Pablo and 2,241 supporters today.