Regional Wage Board 3, Itaas ang Minimum na Sahod tungong P750!

Regional Wage Board 3, Itaas ang Minimum na Sahod tungong P750!
Why this petition matters
Sahod, itaas! Regional Wage Board III, Itaas ang minimum na sahod tungong P750!
Kami, mga nakapirma, ay ang nagkakaisang manggagawa at mamamayan mula sa Bataan na nananawagang itaas ang minimum na sahod mula sa kasalukuyang antas nito tungong P750.
Sa kasalukuyan, sumasahod lang ng P304 – P420 ang mga manggagawa sa Region 3. Kulang na kulang ito para tustusan ang araw-araw na gastusin ng aming pamilya. Makatwiran ang dagdag-sahod sa gitna ng sumisirit na presyo ng langis, bilihin at serbisyo gaya ng kuryente at tubig.
Dalawang beses pa lang nagtaas ng sahod sa rehiyon buhat noong Agosto 2018. Mula P380 tungong P400, at naging P420 pagsapit ng Enero 2020.
Sa datos mismo ng National Wages and Productivity Commission napakababa na ng tunay na halaga ng P420. Noong Pebrero 2022, nasa P370 pa ito, ngayong Marso 2022 ay P368 na lamang. Tiyak ang lalong pagdausdos ng tunay na halaga sa darating pang mga buwan.
Ayon sa Marso 2022 datos ng IBON Foundation, umabot na sa Php 1,072/araw o Php 25,252/buwan ang Family Living Wage o halagang kailangan para sa pinakabatayang pangangailangan ng pamilyang may 5 myembro.
Napakalaking kabalintunaan na habang 2 taon nang binabaon ang sahod ay siya namang pagdami ng bilyonaryo sa Pilipinas! Sa pinakahuling listahan ng Forbes ay umakyat na sa 20 mula sa 17 bilyonaryo noong 2021. Sila yaong mga nagmamay-ari ng iba’t ibang negosyo sa pabahay, tubig, pagkain, telekomunikasyon, at langis.
Nakasumite na ang mga petisyon para sa dagdag sahod sa Regional Wage Board 3. Hinihiling naming kagyat itong aksyunan at mag-isyu na ng wage increase order sa lalong madaling panahon.
Sa darating na Abril 26, 2022 mula 1 to 5 pm ay gaganapin ang Bataan Public Hearing on Minimum Wage Adjustment sa Las Marianas Garden Resort, Roman Super Highway, Abucay, Bataan. Nananawagan kami sa mga kapwa manggagawa na magkaisa at sama-samang kumilos para igiit ang pagtaas ng minimum na sahod. Magtayo tayo ng mga unyon upang sama-sama nating maipaglaban ang ating karapatan sa sahod, trabaho at benepisyo.
***Nais magpapirma ng aktwal na petisyon sa inyong ka-linya, ka-pabrika, at kapitbahay? Kontakin ang numerong 0938-716-9949 (smart/tnt) at 0975-788-1443 (globe/tm) o makipag ugnayan sa Mariveles Ecumenical Workers Desk Facebook Page. Manggagawa, May Magagawa!