Stop Corruption at SSS! Support Commissioner Pompee La Viña

0 have signed. Let’s get to 7,500!


Kasama Natin – Pahayag ng Suporta kay Commissioner Jose Gabriel “Pompee” La Viña sa Paglalantad ng Korupsyon sa Ilang Opisyal ng SSS

Araw-araw, ilang oras nakapila si Nanay Lolita, edad 71, sa SSS upang alamin kung ano na ang nangyari sa kanyang death pension claim. Noong 2011 pa siya pabalik-balik hinggil dito. Buti na lamang narinig niya si Comm. Pompee sa isang programa sa radio. Dagli niya itong hiningan ng tulong noong Setyembre 2017 kaya noong Disyembre 2017, nakuha na rin niya sa wakas ang kanyang death pension claim.

Sa dapit-hapon ng kanyang buhay, halos panawan ng ulirat si Tatay Roland, edad 64, tuwing sinasagasa ang init ng araw para i-follow up ang kanyang retirement benefits sa SSS. Ngunit mahigit isang taon na ay natutulog pa rin ang kanyang hinaing sa SSS. Buti na lang may nagbanggit sa kanyang humingi ng tulong kay Comm. La Viña noong Nobyembre 3. 2017. Laking tuwa niya na naayos ito noong Diyembre 13 at noong Enero 2, 2018 napag-alaman niyang maaari na niyang kunin ang kanyang SSS pensiyon sa kanyang bangko.

Tatlong taon nang problemado si Ruffa, 22 edad, dahil hindi nagbabayad ng SSS contribution ang employer niya. Hindi na rin niya alam kung kanino makikiusap ng tulong. Kaya ng marinig niya sa isang kabigan ang tungkol sa mga natulungan ni Comm. Pompee, dagli siya tumawag sa tanggapan nito noong Setyembre 26, 2017. Agad tinawagan ng tanggapan ni Comm. Pompee ang SSS branch na nakakasakop sa employer kaya noong Oktubre 2017 nagbayad na ang kanyang employer para sa kanyang SSS contribution.

Ilan lamang si Nanay Lolita, Tatay Roland at Ruffa sa mga ordinaryong mga mamamayan na umaasang may kagyat silang maaasahan sa mga opisyal ng SSS sa panahong kailangan nila ang pondong buong tiyaga nilang ibinayad sa SSS mula sa maliit nilang kita sa paghahanap-buhay. Kaya malaking dismaya sa kanila kung walang mabilis na aksyon ang mga opisyal na ito sa panahong kailangan na nila ang retirement, death pension benefits at iba pang benepisyo mula sa SSS.

Lalong nakapagngingitngit nang sumabog ang isang malaking katotohanan na natuklasan ni Comm. Pompee tungkol sa anomalya na may kinalaman sa investments, partikular sa stock market trading ng ilang mga opinsyal na nasa tuktok ng pamunuan ng SSS. Hindi lamang pala sila bulag at bingi sa mga hinaing na mga ordinaryong kasapi ng SSS tulad nina Nanay Lolita, Tatay Roland at Ruffa. Halos ituring din pala nilang pag-aari ang SSS.

Wagi ang mga mamamayan sa ginawang pagsampa ng kaso ni Comm. Pompee laban sa mga opisyal na ito ng SSS dahil matibay at solido ang mga ebidensyang kinakapitan ng kaso ni Comm. Pompee laban sa kanila. Ngunit kapalit nito ay ang matinding galit nila kay Comm. Pompee kaya pinaratangan nila itong gumagawa ng “trial by publicity.”

Ngunit sa halip na matinag ang prinsipyo, muling nakatuklas si Comm. Pompee ng isa pang korupsyon sa SSS na may kinalaman sa paglabag sa bidding rules sa procurement of media suppliers o pagpasok sa kontrata ng midya.

Sa dami ng mga nakalap na katibayan ni Comm. Pompee, sapat na ito upang isampa ang kaso ng paglabag sa Procurment Law laban sa 21 opisyal ng SSS. Animo pag-aari nila ang pondo ng SSS para sa midya kung gumawa sila ng mga desisyon ng wala nang regular bidding at negotiated bidding process. Hindi na rin dumaan ang budget ng midya sa alituntunin ng Bids and Awards Committee. Kaya hindi nagdalawang-isip si Comm. Pompee nang dalhin ang kasong administratibo sa Tanggapan ng Ombudsman noong Enero 15, 2018.

Dahil banta sa kanilang korupsyon, hindi nakapagtatakang kung ano-ano ang niluluto ng 21 opisyal na ito ng SSS upang patalsikin si Comm. Pompee, sukdulang gumawa ng palabas na pinitisyon kuno siya ng mga empleyado ng SSS para matanggal, o hiniling kay Pangulong Duterte na alisin siya sa SSS, at paulit-ulit siyang paratangan na gumagawa daw ng trial by publicity.

Subalit hindi tayo mga mamamayang mangmang. Malinaw sa atin na laksang ebidensiya mayroon ang kaso, at lalong hindi sa pansariling interes kundi para sa ikalilinis ng SSS ang layunin ni Comm. Pompee. Kung gayon, makipagkapit-bisig tayong mga ordinaryong mamamayan para sa dakilang layuning ito.

Suportahan natin si Comm. Pompee sa paglilinis ng katiwalian sa SSS.

Buong bansa, sama-sama nating bantayan ang pondo natin sa SSS.



Today: Felicity is counting on you

Felicity Reyes needs your help with “Public : Stop Corruption at SSS! Support Commissioner La Viña”. Join Felicity and 6,853 supporters today.