No to Ahunan Hydropower Project

No to Ahunan Hydropower Project

727 have signed. Let’s get to 1,000!
Started

Why this petition matters

MANIPESTO NG PAGTUTOL SA AHUNAN PUMPED-STORAGE HYDROPOWER PROJECT

Sapagkat bayang pinagpala ang munisipalidad ng Pakil, Laguna dahil sa biyaya ng Poong Maykapal, at sa yamang-likas mula sa kabundukan ng Sierra Madre, lawa ng Laguna, at dahil sa biyaya ng pamamanata sa Mahal na Birhen ng Turumba at pagdakila sa Mahal na Patron San Pedro de Alcantara;

Sapagkat luklukan ng marubdob na pananampalataya ng mamamayan ng Laguna, Quezon, Rizal at iba pang lugar ang pagpapala at swerteng taglay ng taunang “Pyestang Lupi” na tradisyon ng pagtuturumba sa Mahal na Birheng de los Dolores o Birhen ng Turumba, “Patrona at Ina ng Lawa ng Laguna” (Patroness of Laguna’s Environmental Stewardship); at ang milagro o “magical healing powers” ng tubig at pagligo sa swimming pool ng Pakil;

Sapagkat sagradong lugar ang bundok ng Ping-as sa ibabaw ng Pakil at idinadaos ang pagpupuri sa kabanalan ng lugar sa “Ahunan sa Ping-as” tuwing huling Sabado ng Mayo;

Sapagkat ang mga biyayang ito ng kalikasan na ating minana mula sa ating mga ninuno ay dapat patuloy nating pagyamanin, ingatan at pangalagaan upang patuloy na pakinabangan ng mamamayan sa pamamagitan ng mga pananim at mga bungang-kahoy sa kabundukan pangunahin na ang niyog, lansones, mangga, santol, rambutan, at sari-saring mga punong-kahoy tulad ng balite, nara, maulawin, dalandanin, malabayabas at iba pa;

Sapagkat panirahan ng ibon, insekto at iba pang hayop at halamang-ligaw(wildlife) ang kabundukang ito na bahagi ng balanseng ekolohikal;

Sapagkat sa kabundukang ito ng matabang lupa, malalaking bato at ugat ng mga punungkahoy, ay bumubukal ang napakalinis at napakalinamnam na inuming-tubig na dumadalo’y sa “lulo” ng pampublikong swimming pool at tubig sa “gripo ng Marce” na libre para sa lahat;

Sapagkat nagsisilbing libreng irigasyon para sa mga palayan at pananim ang tubig mula sa bukal na ito na umaagos sa mga ilog patungong lawa ng Laguna, na bukod sa pagtatanim ay pangunahin ding hanapbuhay ng mga magsasaka at mangingisda ang nagmumula sa lawa ng Laguna katulad ng karpa, tilapia, ayungin, dalag, biya, hito, gurami, pauton, tinikan, hipon at iba pang yamang-dagat;

Sapagkat ang Pakil ay malapit sa tinatawag “Tan-ay at Binangbang Fault”, at nakaranas ng pagkasira ng komunidad at pagguho ng tore at pagkasira ng simbahang katoliko dulot ng malakas na lindol ng 1881 at 1937;

At sapagkat pangunahing tungkulin ng gobyernong nasyunal at lokal na itaguyod ang karapatan at kagalingan ng mamamayan hanggang sa susunod na salinlahi, at maging aktibo para protektahan ang kalikasan at natural na daloy ng tubig at yamang-likas, tulad ng nakalagay sa saligambatas, “ The State shall protect and advance the right of the people to a balanced and healthful ecology in accord with the rhythm and harmony of nature,” (Art. II, Sec. 16, 1987 Philippine Constitution).”

Kung gayon, ang pagtatayo ng malaking Ahunan Pumped-storage Hydropower Project (AHUNAN HYDRO) sa ibabaw ng bundok ng Pakil na nangangahulugan ng pagpapasabog, pagpatag at paghukay sa ibabaw ng bundok, pagputol ng kakahuyan, pagtaboy at pagkasira sa “wildlife” at mga bukal ng malinis na inuming tubig, ay pagwasak sa kalikasan at pagkakait sa taumbayan ng biyaya ng likas-yamang hatid ng Poong Maykapal na dapat pakinabangan ng susunod pang mga henerasyon.

Kung kaya at kami, mamamayan ng Pakil at iba pang bayan sa lalawigan ng Laguna at mga lalawigan sa kabila ng Sierra Madre at sa paligid ng lawa ng Laguna, ay nagpapahayag ng mahigpit na pagtutuol at pagpapatigil sa pagtatayo ng Ahunan Hydro. Bilang patunay sa pahayag na ito ay inilalagda naming sa ilalim at mga susunod na pahina, ang aming mga pangalan at pagtitibay.

727 have signed. Let’s get to 1,000!