Nagkakaisang Petisyon ng FARMC at Mamamayan ng Tayabas Bay

Nagkakaisang Petisyon ng FARMC at Mamamayan ng Tayabas Bay
Ang Tayabas Bay ay ang pinagmumulan ng ikinabubuhay ng mga mangingisda at pinagkukunan ng pagkain ng mga mamamayan ng lalawigan ng Quezon at mga kalapit lalawigan nito.
Ang Palasyo Mineral Resources, Inc. (PMRI) ay may aplikasyon ng pagsasagawa ng Seabed Quarrying sa Tayabas Bay, partikular sa bayan ng Agdangan, Padre Burgos, Pagbilao at Unisan na may lawak na 9,968.9539 na hektarya.
Ang Seabed Quarrying ay ang pagkuha ng iba’t-ibang materyal at mineral sa ilalim ng dagat tulad ng buhangin, graba, malaking bato, at iba pang pinagsama-samang materyal tulad ng mga nabanggit sa pamamagitan ng mga makina at tubo na hihigop sa mga ito. Ayon sa mga pag-aaral, ang pagsasagawa ng seabed quarrying ay magdudulot ng polusyon at pagkasira sa mga yamang dagat ng karagatan.
Kung masisira ang Tayabas Bay dahil sa seabed quarrying ay libo-libong mangingisda at mamamayan ang direktang maapektohan at mawawalan ng hanap buhay at sapat na pagkain para sa kanilang pamilya at pamayanan.
Maging ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR ay nagpahayag nang kanilang pagtutol sa isinumiteng Area Clearance Status Application ng PMRI. Ayon sa liham ni Commodore Eduardo B. Gongona, BFAR National Director kay Mines and Geosciences Bureau (MGB) Director Wilfredo G. Moncano, kung saan pormal na ipinahayag ang pagtutol ng BFAR sa Area Clearance Status Application ng PMRI sa lugar na nasasakop ng Pagbilao, Padre Burgos, Agdangan at Unisan na mas kilalang baybayin ng Tayabas o Tayabas Bay.
Kung kaya, kami bilang FARMC o kinatawan ng sector ng mangingisda, kasama ang mismong mga mamamayan ay nagkakaisang tinututulan ang aplikasyon ng Palasyo Mineral Resources Inc. (PMRI) para sa Seabed Quarrying. Hinihiling namin sa mga punong bayan ng mga apektadong munisipyo na tutulan ang Area Clearance Status Application ng PMRI para sa Seabed Quarrying sa Tayabas Bay.