PETISYON PARA IPABIYAHE ANG LAHAT NG JEEPNEY AT IBA PANG PUV

0 have signed. Let’s get to 50,000!


PETISYON PARA IPABIYAHE NA ANG LAHAT NG JEEPNEY AT IBA PANG PUV, AT BIGYAN ANG AYUDA ANG MGA DRIVER 

Naglabas ang LTFRB ng Memorandum Circular 2020-017 para sa pagbibiyahe ng mga PUV sa panahon ng General Community Quarantine o GCQ.  Ayon sa nasabing MC, kailangang kumuha muna ng Special Permit ang mga PUV bago makabiyahe dahil may sinusunod na prayoridad ang mga pahihintulutang bumiyahe.  Babaguhin ang mga ruta.  Bukod dito, kailangan ding kalahati lang ang pwedeng ilulan ng mga Bus, Jeepney, Van for Hire (UV Express), maliban pa sa Tricycle na isa lang ang pwedeng pasahero.  

Idinidiin sa nasabing MC na bukod sa bus, pangunahin ang mga Modernized Jeepney, bago pagbibigyan ang mga jeepney na kasapi ng kooperatiba at mga “consolidated” na samahan.  Ang mga jeepney na labas dito ay hindi na ipapabiyahe o itinuturing na phaseout na.

Una sa lahat, hindi dapat pigilan ang pagpatakbo ng mga dati nang mga jeepney.  Sa panahon na nais na nating maka-angat mula sa community quarantine, lalong kailangan ang pampublikong transportasyon para sa kabuhayan ng mga driver at maliliit na operator, para makapagserbisyo sa mga frontliners, manggagawa, at iba pang mamamayan.  Lalo na kung kalahati lang ang pwedeng isakay ng mga PUV,  tiyak kakapusin ang mga sasakyan. 

Pangalawa, hindi kailangang kumuha muna ng special permit ang mga dating jeepney at iba pang PUV dahil may mga umiiral namang prankisa.  Ang mga nasabing prankisa sa mga nakatalagang ruta ay dumaan sa proseso ng public hearing at may kaukulang bayarin. 

Pangatlo, hindi ito ang panahon para magbuo ang LTFRB ng panibagong ruta. Lalo na hindi naman pinalahok ang mga driver, operator, pasahero, pati na ang LGU sa mga panukalang pagbabagong ito. Ang kailangan ay makarating ang mga mamamayan sa kanilang destinasyon, saan man ito, nang hindi nalilito kung saan sasakay, hindi kinakapos sa masasakyan, at makararating sa tamang oras.  Sapat na muna ang mga dati nang ruta ng mga PUV.  

Kailangan ding magbigay ng subsidyo ang gobyerno upang mapunuan ang malaking pagkabawas sa kita ng mga driver dahil sa kalahati lang ang pwedeng ilulan sa mga PUV. Kung hindi ay kakapusin sa pambayad sa krudo at pang-maintenance ng sasakyan, at maski na sa mga dagdag gastusin sa pag-iingat sa Covid 19.

Kailangang isagawa ang mass testing, dahil ito ang magtitiyak na ligtas ang mga driver at mamamayan sa sakit na Covid-19.  Bago bumiyahe ay dapat nang ma-testing ang mga manggagawa sa pampublikong transportasyon at libreng gamutin kung positibo.

Dahil dito ay nananawagan kami na pahintulutang makabiyahe ang lahat ng jeepney at PUV na may karampatang rehistro at prankisa; bigyan ng subsidyo ang mga driver upang mabawi man lamang ang mawawalang kita dulot ng kalahating bilang ng ilululan sa mga PUV; ibigay ang Social Amelioration Assistance na hanggang ngayon ay hindi pa natatanggap; at isagawa ang testing sa mga driver, konduktor at mamamayan. 



Today: Seira is counting on you

Seira A needs your help with “Commuters: PETISYON PARA IPABIYAHE ANG LAHAT NG JEEPNEY AT IBA PANG PUV”. Join Seira and 37,792 supporters today.